21/10/2025
Tumatanda na si Mama.
At habang pinagmamasdan ko siya,
parang ang bilis ng oras —
yung dating bisig na matatag,
ngayon ay marupok na,
ngunit nananatiling yakap ng tahanan.
Ang buhok niyang dati’y kasing itim ng gabi,
ngayon ay unti-unting tinatabunan ng pilak,
tila mga bakas ng bawat sakripisyong hindi namin nabayaran.
Ang mga mata niya —
dating puno ng sigla,
ngayon ay may halong pagod,
pero nagniningning pa rin sa pagmamahal.
Tumatanda na si Mama,
at sa bawat ngiting pilit niyang binubuo,
ramdam ko ang bigat ng mga panahong kinaya niya mag-isa.
Ang bawat tawa niya ay may kasamang buntong-hininga,
ang bawat “ayos lang ako” ay lihim na pagod
na ayaw niyang ipakita.
Minsan, gusto kong pigilin ang oras,
yakapin siya nang matagal,
at sabihin —
“Ma, hindi mo na kailangang maging matatag palagi.
Pwede ka nang umiyak,
pwede ka nang huminga.
Kami naman ngayon.”
Tumatanda na si Mama,
at mas lalo kong nauunawaan:
ang tunay na pagmamahal
ay ang marinig ang katahimikan niya
at malaman na iyon ay sigaw ng pagod,
na dapat kong sagutin ng pag-aalaga.
Dahil habang tumatanda si Mama,
mas lalo kong nakikita —
hindi siya nawawala,
bagkus,
mas lalo siyang nagiging tahanan
sa bawat pintig ng puso ko.
•Jm✍🏻