24/11/2024
Masakit na Paglagatok ng Daliri (Trigger Finger)
Payo ni Doc Willie Ong
Trigger finger ang tawag sa sakit na kapag ang daliri ay sinubukan mong ituwid, ay lumalagatok at madalas na sumakit. Sa ilang mga kaso, ang daliri ay naiiwan at kinakailangan pa ang kabilang kamay para ituwid ang iyong daliri.
Karaniwan, kapag ibinabaluktot ang daliri, mayroong isang mahabang tendon na humahatak sa daliri at tinutulungan itong maayos na dumulas sa pamamagitan ng isang balot (protective sheath) na nakapaligid dito.
Maaaring mamaga ang daliri dahil sa paulit-ulit na paggamit tulad ng pag-type, pag-text at paglaba. Sa pamamaga ng balot o protective sheaths, ang tendon ay hindi maaaring mag-slide nang maayos, kaya naman ay lalagatok ito. Sa paulit-ulit na pag-lagatok, ang tendon ay maaari ring mamaga na nagiging sanhi ng isang nodule (tulad ng isang peklat). Dahil dito, lalo pang sasakit at lalagatok ang daliri.
Sinu-sino ang mga apektado nito:
1. Kadalasan, ng mga taong nasa pagitan ng 40 hanggang 60 taong gulang.
2. Paulit-ulit na paggamit ng mga kamay. Ang mga taong madalas ang paghawak ng mga bagay tulad ng para sa trabaho ay mas madaling kapitan ng trigger finger. Ang sobrang pagta-type, pag-text, o pag-e-ehersisyo ng mabibigat na dumbbells ay maaaring maging sanhi nito. Ang mga naglalaro ng mga instrumentong pang-musika ng mahabang oras ay nanganganib din.
3. Ang diabetes at arthritis ay maaaring makapagpalala ng trigger finger.
Ang diagnosis ng trigger finger ay simple. Susuriin ng iyong doktor ang iyong kamay at titignan ang pag-lock. Nararamdaman ng doktor kung masakit ang nodule (tulad kung ito ay maga) sa base ng apektadong daliri, na palatandaan ng pag-trigger ng daliri.
Ang kondisyon ay kadalasan na mas malala sa umaga, at karaniwang apektado ang hinlalaki, gitnang daliri o daliring palasingsingan.
Ipahinga ang kamay at huwag gaano i-lagutok. Puwede lagyan ng finger splint para hindi mabaluktot ito. Magpatingin sa isang Orthopedic surgeon para sa iba pang gamutan.