25/10/2024
KAPE SA TAG-ULAN
Mula sa pagkakaupo namin ay hindi ko maiwasang humanga sa estado ng buhay na mayroon na kami pareho sa ngayon. Hindi naman ganoon kataas subalit malayo na sa kung nasaan kami noon.
Binasag niya ang pananahimik nang sinimulan niyang tanungin kung anong problema ko at kumusta naman ako. Sinagot ko siya ng simple at malumanay, sinabi kong ayos lang naman ako. Napag-usapan naming dalawa ang tungkol sa mga bagay na naranasan namin, mula sa hirap ng trabaho hanggang sa mga kabiguan niya sa pag-ibig. Nakatutuwang marinig sa kaniya na may nakakasama na siyang kumain sa labas, kasamang magkape at mag-explore ng mga bagay-bagay.
Tumingin ako sa aking relo, alas otso na rin pala ng gabi. Muli niya akong kinamusta kung anong lagay ng puso ko. Sumagot akong ayos lang. Ramdam niya ang lungkot ko, binasag niya ang pananahimik ko nang sabihin niyang, ganoon talaga ang buhay. May mga relasyon talagang kahit na anong ingat at pagpapahalaga ang gawin natin. May mga relasyon talagang meant to be broken. Hindi ko na nagawang pigilin ang luhang kanina pa nagbabadyang pumatak. Bahagya akong lumingon sa labas tinitigan ko ang malakas na buhos ng ulan. Saka ko iniangat nang bahagya ang aking ulo at saka pinuri ang ganda ng coffee shop na pinuntahan namin. Ang coffee shop kung saan namin napagdesisyunang tapusin ang lahat, dalawang taon na ang nakararaan.
-Eros