04/06/2026
Save the Rice Granary! Fight for our Land, Food and Rights!
Ang Gitnang Kapatagan ng Luzon (Central Plains of Luzon) ay tinaguriang Rice Granary ng bansa na nag-aambag ng humigit-kumulang 24% sa kabuuang produksyon ng palay sa buong kapuluan. Sa kabila ng mahalagang papel nito sa pambansang seguridad sa pagkain, laganap ang malawakang pagpapalit-gamit ng lupa (land use conversion). Batay sa datos ng PSA, mula taong 1991 hanggang 2022, nasa mahigit 280,000 ektarya na ang kabuuang lupang sakahan ng rehiyon ang napalitan ng gamit tungong mga expressway, airport, mall, industrial park, warehouse, subdivision, recreation park, at kampo-militar. Nagbunsod ito ng malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka mula sa kanilang sakahan at paninirahan.
Ang ganitong kalagayan ay lalong nagpapalala sa mga batayang suliranin ng magsasaka, pangunahin ang kawalan at kakulangan ng lupa, at ang higit na pagkawasak ng produksyong agrikultural. Sa pinakahuling datos ng gubyerno, nasa 25.68% lamang o 550,000 magsasaka ng Gitnang Luzon ang may sariling lupa habang ang 74.32% o 1.59 milyong magsasaka ay walang sariling lupa. Kalakhan ng magsasakang may lupa ay kulang sa isang ektarya ang karaniwang sukat ng lupang sinasaka.
Ganundin, kalakhan ng magsasaka sa Gitnang Luzon ay baon sa utang para sa produksyon. Habang pinapasan ang mataas na tantos ng pautang at presyo ng inputs, patuloy namang binabarat ang presyo ng kanilang produktong palay hanggang P5-6 kada kilo noong nakaraang anihan ng 2025.
Layunin ng kampanya na mapigilan ang tuloy-tuloy na malawakang pagpapalit-gamit ng lupa na banta sa karapatan sa lupa at kabuhayan ng magsasaka, maibuo ang malawak na alyansa at suporta sa antas lokal, rehiyunal, pambansa at internasyunal, at makapagkamit ng mga kagyat na ginhawa para sa magsasaka tulad ng subsidyo sa produksyon, serbisyong pang-agrikultura at tulong sa kalamidad.
๐ June 5 2026
๐ 8:00 AM - 3:00 PM
๐NEUST General Tinio Campus, DARGMH (Covered Gym), Gen. Tinio St., Barangay Quezon District, Cabanatuan City, Nueva Ecija