31/07/2025
Mula Kay Miriam Hanggang Kay Robin: Ang Trahedya ng Constitutional Decline
Isang dekada ang nakalipas mula nang pamunuan ni Miriam Defensor Santiago—isang huwarang constitutionalist, international judge-elect sa International Criminal Court, at may PhD sa juridical science mula sa University of Michigan—ang Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes. Ang komiteng ito ang siyang pangunahing tagapagrepaso ng mismong pundasyon ng ating batas: ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas at mga koda ng pambansang batas. Sa madaling salita, ito ang gatekeeper ng mga pagbabago sa ating Saligang Batas, ang pinakabanal na dokumento ng ating soberanya.
Ngayong 2025, ang parehong komite ay pinamumunuan na ni Robin Padilla, isang dating action star na walang track record sa jurisprudence, walang karanasan sa legislative drafting, at ni wala mang law degree. Kung si Miriam ay tinaguriang "walking constitution," si Robin ay tila naging simbolo ng wandering confusion.
Dati, ang mga pagdinig ay parang constitutional colloquium. Ngayon, parang improv workshop. Kung noon ang mga deliberasyon ay nakasandig sa constitutional law, legal theory, at comparative jurisprudence, ngayon ay nababahiran ng personal na paniniwala, emosyon, at folk nationalism na walang matibay na batayang legal.
Ang tungkulin ng komiteng ito ay hindi lamang suriin ang panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon kundi tiyakin na ang anumang pagbabago ay sumusunod sa proseso sa ilalim ng Article XVII ng 1987 Constitution. Saklaw din nito ang pagsusuri sa mga koda o codified laws tulad ng Civil Code, Revised Penal Code, Family Code, at iba pa na pundasyon ng ating legal system. Sa ilalim ni Miriam, bawat mungkahi ay dumadaan sa rigorous scrutiny. Sa ilalim ni Robin, dumadaan ito sa TikTok-level rhetoric.
Ang tinatawag na “revision of codes” ngayon ay hindi na tungkol sa batas kundi sa pagbaba ng pamantayan. Mula Rule of Law patungo sa Rule of Personality.
At malinaw: ito ay hindi lamang personal na pagkabigo. Ito ay collective regression. Dahil sa ating pagboto base sa paboritong artista at hindi sa kwalipikasyon, pinili nating ang tagapangalaga ng Konstitusyon ay maging tagapaghatid ng tsap-tsap na panukala sa ngalan ng "pagbabago."
Si Miriam ay hinubog ng siyensiya ng batas at pinanday ng pandaigdigang pagkilala. Si Robin ay produkto ng popularidad, ng celebrity politics, at ng sistemang mas pinahahalagahan ang kasikatan kaysa katalinuhan.
Kung hindi ito ehemplo ng constitutional capture at erosion of institutional integrity, hindi na natin alam ang kahulugan ng krisis.
Hindi ito basta isyu ng tao. Ito ay isyu ng institusyon. At higit pa riyan, ito ay salamin ng ating mga piniling lider. Dahil sa ating pagboto ng mababa ang pamantayan, binaba rin nila ang pamantayan ng paglikha at rebisyon ng ating mga batas.
Ang tanong: kaya pa ba nating iahon ang diskurso? O mas pipiliin pa rin natin ang slambook kaysa sa Saligang Batas?