12/08/2025
"Ang Lutong Ulam ni Barbara"
Sa baryo ng San Roque, kilala si Barbara bilang pinakamagaling magluto. Mula adobo, sinigang, hanggang ginataang manok—lahat ay laging nauubos bago pa sumapit ang tanghali. Sabi ng mga kapitbahay, may sikreto daw si Barbara kaya kahit simpleng ulam, nagiging espesyal.
Isang gabi, habang pauwi na si Aling Nena mula sa tindahan, napansin niyang bukas pa ang ilaw sa kusina ni Barbara. Alas-dose na ng gabi. Lumapit siya at sumilip sa maliit na siwang ng bintana. Doon niya nakita si Barbara, nakatalikod, kausap ang isang matandang babaeng naka-itim. Baluktot ang likod nito, mahaba ang buhok, at walang kilay. Sa kamay ng matanda, may hawak na supot na tumutulo ang likido na kulay p**a.
Kinabukasan, mas masarap kaysa dati ang adobo ni Barbara. Malambot ang karne, malasa ang sabaw. Pero nang tanungin siya kung saan siya namimili ng karne, ngumiti lang ito at mahina ang bulong:
“Hindi ko na kailangang bumili… siya na mismo ang nagdadala sa akin gabi-gabi.”
Mula noon, unti-unting may mga taong nawawala sa baryo. May dalagitang hindi na nakauwi mula sa eskwela, isang magsasakang hindi na nakabalik mula sa bukid, at isang mangingisdang hindi na natagpuan sa lawa. At tuwing may nawawala… may bagong ulam si Barbara sa kanyang lutuan.