01/08/2025
âYakapsipol ni Lola Bisingâ
Bawat umaga, laging maagang gumigising si Lola Bising. Hindi dahil sa tunog ng alarm clock, kundi dahil sa kilig na makita ang kanyang apo na si Andrei. Apat na taong gulang si Andrei, makulit, matanong, at laging nakasunod sa kanyang Lola saan man ito magpunta sa bahay.
âLo, gatas po!â sigaw ni Andrei habang tumatakbo sa kusina.
âAy naku, eto na⌠para sa pinakamamahal kong apo,â sagot ni Lola Bising sabay yakap sa bata. Sa bawat yakap, para bang nabubuo ang mundo ni Lola. Wala na kasi siyang kasama sa buhayânamayapa na ang kanyang asawa at nasa Maynila ang kanyang anak na si Liza para magtrabaho. Si Andrei lang ang bumubuo ng kanyang araw.
Tuwing hapon, magkasabay silang naglalakad papunta sa maliit na parke ng baryo. Bitbit ni Lola ang isang lumang pamaypay at si Andrei naman ay may dalang laruang kotse. Habang naglalaro ang bata, nakatanaw lang si Lola, nakangiti. Minsan, tinatanong siya ng mga kapitbahay:
âBising, di ka ba napapagod alagaan âyan? Ang kulit-kulit oh!â
Ngumiti lang si Lola. âKahit buong buhay kong pagod, basta para sa apo ko, ayos lang.â
Isang gabi, nilagnat si Andrei. Hindi mapakali si Lola. Halos hindi siya nakatulog, palipat-lipat sa pagpunas ng bimpo at paghaplos sa likod ng bata. Naaalala niya ang mga panahong inalagaan niya si Liza noong maliit pa ito. Ngayon, bumalik sa kanya ang pakiramdam na iyonâtakot, pag-aalala, at higit sa lahat, walang hanggan na pagmamahal.
Pagkaraan ng ilang araw, bumuti ang pakiramdam ni Andrei. Nang unang beses uli itong nakatakbo sa bakuran, tumigil si Lola, tumingin sa langit at nagpasalamat.
âSalamat, Panginoon⌠wag Niyong kukunin ang kaisa-isa kong kaligayahan.â
Lumipas ang mga taon. Lumaki si Andrei, nag-aral, at unti-unting nabusy sa sarili niyang mundo. Hindi na ito laging nakikipaglaro o tumatabi kay Lola tuwing gabi. Minsan, tinatawag siya ni Lola habang nanonood ng TV:
âAndrei, kain na tayo ng paborito mong sopas!â
âLater na lang po, Lo. May ginagawa pa ako,â sagot ng binata.
Tahimik lang si Lola at ngumiti, pero ramdam sa loob niya ang pagbagal ng kanyang mundo. Alam niyang darating ang araw na lalayo rin sa kanya ang kanyang apo. Kaya tuwing magkakaroon siya ng pagkakataon, mahigpit niyang niyayakap si Andrei, kahit minsan ay naiirita na ito.
Hanggang sa isang hapon, habang nagliligpit si Lola sa bakuran, narinig niyang tinawag siya ng apo.
âLo! Pwede po ba tayong maglaro ng kotse?â
Napahinto si Lola. Napatitig sa batang lalaki na ngayon ay mas matangkad na kaysa sa kanya. Tumango siya na may luha sa mata.
âOo naman, apo. Para saâyo, lagi akong may oras.â
At sa huling pagkakataon sa mahabang panahon, narinig ng buong baryo ang halakhakan ng mag-lola, na para bang bumalik sila sa panahong wala pang iniisip kundi ang saya ng bawat yakap.