24/05/2025
Diaryo ng Sablay #6 : Tabo ni classmate
Ewan ko ba, pero sa pagkakaalam ko, isa talaga sa mga pinakamalupit na challenge sa training ay ang limitadong supply ng tubig.
Lalo na kapag nasa militaristic phase ka — wala kang choice kundi maging walyol na walyol. Sa phase na ‘to, bawat patak ng tubig, parang ginto.
Ganito rin ako noon. Hirap maligo, kasi nga ang haba ng pila, tapos ‘yung tubig? Kukurampot. Parang gripo na padura-dura lang ang labas.
At siyempre, sa bawat pila, hindi mawawala ang mga nilalang na ipinanganak para manglamang. Sila ‘yung tipong biglang sisingit o may dalang kung anong strategy para makalusot. Mga ninja sa pila — pero hindi cool, kundi kupal.
Isang beses, malapit na ako sa gripo. Shempre, may kaba ka pa rin sa dibdib kasi baka abutan ka ng sigaw ni Batcom ng: “SAMAPANAW!!!” — pag ganun, liliparan ang mga balde, may matapon man o wala, basta formation na agad.
Nung ipoposisyon ko na ang balde ko, may lumapit sa’kin — mate ko. Nagmamakaawang mauna raw muna, isang tabo lang naman daw ng tubig ang iigibin.
Naawa ako. Syempre, tao rin naman ako. Pumayag ako.
Pero ‘yun na nga…
Pagkabunot niya ng “tabo,” halos mapamura ako sa loob-loob ko.
Teka, tabo ba ‘yan o batya na may hawakan?!
Hindi ko alam kung guni-guni ko lang, pero parang tabong sinapian ng balde. Ang laki, e. Saktong nilagyan lang ng handle para masabing tabo pa rin siya.
Gusto ko siyang barahin, pero anong magagawa ko? Pumayag na ‘ko, eh.
Napakamot na lang ako habang pinapanood siyang parang tangke kung mag-igib gamit ang “isang tabo” niya.
Sa buong buhay ko, never ko pang nakita ulit ‘yung ganung klase ng tabo — kahit pa mag-ikot ako sa plastic wares section ng mall o magtanong sa palengke.
At ayun na nga, sigaw si Batcom ng "SAMAPANAW!"
Hindi pa ako nakakaigib. Luging-lugi.
Talo ako sa tabo.
-hawkeeey