14/07/2025
“Their actions were not criminal—they were acts of humanity and unwavering solidarity with the Indigenous Peoples amid state attacks.”
– Defend Talaingod 13 Network (Facebook)
ISANG TAON NA ang nakakaraan, noong Hulyo 15, 2024, hinatulan ng Regional Trial Court Branch 2 ng Tagum City, Davao del Norte, Mindanao ang 13 na indibidwal—kabilang sina Teacher France Castro ng ACT at Ka Satur Ocampo ng Bayan Muna — sa gawa-gawang kaso ng “child abuse.”
Sinampahan ng gawa-gawang kaso sina Teacher France at Ka Satur matapos silang manguna at sumama sa pag-rescue sa mga estudyanteng Lumad at mga g**o sa Sitio Dulyan, Talaingod, Davao del Norte noong Nobyembre 2018. Sila noon ay kasama sa isang National Solidarity Mission sa Mindanao, na isinagawa upang alamin at imbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao matapos ipataw ni Rodrigo Duterte ang martial law sa buong Mindanao.
Gabi ng Nobyembre 27, 2018 nang ilikas ng mga kinasuhan sa Talaingod 13 ang 11 g**o at 16 na mag-aaral na hinahabol noon ng grupong paramilitar na Alamara. Pinagbantaan pa nilang sunugin ang eskwelahan ng mga Lumad. Dahil sa panganib, nagpasya ang komunidad na mag-bakwit at manawagan ng rescue mula sa mga kasama sa National Solidarity Mission na nasa Mindanao noon.
Matapos ang pagliligtas sa mga bata, ang Talaingod 13, kasama sina Ka Satur at Teacher France, ay inaresto, ikinulong ng tatlong araw at sinampahan ng gawa-gawang kaso.
Matagal nang naghahasik ng takot at pandarahas ang militar at paramilitar na Alamara sa komunidad ng mga Lumad. Hunyo pa lang ng taon na iyon ay naitala na ang mga ginawa nilang paglabag sa karapatan ng mga mamamayang Lumad. Kasama dito ang pwersahang pagsasara ng mga paaralang Lumad, ang Salugpungan schools.
DAPAT BALIGTARIN ng Court of Appeals ang naging desisyon ng Tagum RTC na idiin sina Ka Satur, Teacher France at Talaingod 13. Walang batayan at hindi makatarungan na tawaging “child abuse” at “conspiracy” ang pag-rescue sa mga Lumad na lumilikas noon mula sa grupong Alamara. Itinatanggi at hindi isinaalang-alang ng desisyon na nasa gipit na sitwasyon ang mga Lumad at ang kailangan sa sandaling iyon ay kagyat na pagtugon na sila ay ilikas.
Panawagan natin sa Court of Appeals na baligtarin ang desisyon ng mababang korte, at pawalang-sala ang Talaingod 13. Sila ay binubuo ng mga g**o at boluntir na naglilingkod sa mga paaralang Salugpongan sa Mindanao, at nagtataguyod sa karapatan ng mamamayan, na nakibahagi sa 2018 National Solidarity Mission (NSM):
Saturnino “Satur” Ocampo
Francisca “France” Castro
Jesus Modamo
Maryro Poquita
Meggie Nolasco
Salugpongan Teachers
Nerhaya Talledo
Ma. Concepcion Ibarra
Maricel Andagkit
Wingwing Dausay
Nerfa Awing
Marianie Aga
Marcial Rendon
Jenevive Paraba
ANG TUNAY NA KRIMINAL at naghahasik ng terorismo sa mga mamamayang Lumad ay ang mga grupong paramilitar na suportado ng mga militar, at si Rodrigo Duterte na nag-utos noon sa kanyang State of the Nation Address noong 2017, na bombahin ang mga paaralan ng mga Lumad.
Nasa 216 paaralang Lumad sa buong Mindanao ang isinara dahil sa tuloy-tuloy na mga atake. Ito an mga paaralang pinagsumikapang itayo ng iba’t ibang nagtataguyod sa karapatan sa edukasyon ng mamamayang Lumad, kasama mismo ang kanilang mga komunidad.
Narito ang mga kaso ng atake sa mga Lumad ng gobyerno ni Rodrigo Duterte (2016-2022), sa tala ng Save Our Schools Network:
* 21 nasirang paaralang Lumad
* 10 insidente ng aerial bombing
* 2,350 mga Lumad na apektado ng pagbobomba
* 3,092 biktima ng mga sapilitang pagpapasuko
* 34 indibidwal na nakaranas ng torture at physical assault
* 13 biktima ng pamamaslang sa mga magulang, g**o at estudyante
* 43 insidente ng pwersahang pagbakwit; 18,252 ang Lumad na apektado
* 95 indibidwal ang may gawa-gawang kaso at karamihan dito’y mga magulang at g**o
* 45 boluntaryong g**o na may gawa-gawang kaso
* 44,760 indibidwal na nakaranas ng harassment, intimidasyon at pananakot
* 48 insidente ng pagkampo ng mga militar sa mga paaralan at komunidad
* 10,000 estudyante na pinagkaitan na makapag-aral
KASAMA SINA KA SATUR AT TEACHER FRANCE sa laban ng mga mamamayang Lumad para sa kanilang mga karapatan, laban sa mga atake sa komunidad, at pagpapasara ng mga paaralan. Dahil dito, tuloy-tuloy silang inatake ng red-tagging ng mga militar, ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ni Rodrigo Duterte at ni VP Sara Duterte.
Ginawang target si Teacher France ng mga atake dahil sa ginawang pagsisiwalat at pagtuligsa sa iligal na confidential funds ni Sara Duterte, at sa paghahain ng impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo. Desperadong hakbang ang ginagawa nilang pang-aatake sa hindi nila matitinag na paninindigan ni Ka Satur para sa karapatan ng mamamayan.
May pananagutan ang gobyernong Marcos Jr. sa pagpapatuloy ng kawalang-hustisya, dahil pinanatili nito ang NTF-ELCAC na pangunahing nagsusulsol na idiin at kasuhan ang Talaingod 13. Nagpapatuloy din ang red-tagging, at pananakot sa mga komunidad ng Lumad, magsasaka at mamamayan, sa Mindanao at sa maraming bahagi ng bansa.
Ang pagtatanggol kina Teacher France, Ka Satur, at buong Talaingod 13 ay pagtatanggol laban sa militarisasyon, panunupil at pandarahas ng estado. Ang pagtindig para sa Talaingod 13 ay pagtindig para sa karapatan sa edukasyon at mga karapatan ng mamamayang Lumad.
Defend Teacher France and Ka Satur! Defend Talaingod 13!
Stop the attacks against Lumad communities!
Abolish NTF-ELCAC! Junk Terror Law!
Militar at paramilitar sa komunidad at kanayunan, palayasin!