24/11/2025
Bahagyang bumaba ang naitalang dengue cases sa bansa bago tumama ang magkasunod na bagyong Tino at Uwan, ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa sa isang panayam ng PINASigla DZMM Teleradyo.
Mula 15,182 na kaso noong September 28–October 11, bumaba ito ng 8% o naging 14,038 cases sa linggo ng October 12–25, 2025.
Gayunpaman, nagbabala ang Department of Health na maaaring muling tumaas ang kaso matapos ang mga nagdaang pagbaha. Posible umanong nag-iwan ang mga bagyo ng mga lalagyan at sulok na napuno ng stagnant water, na paboritong pangitlugan ng Aedes aegypti—ang lamok na nagdadala ng dengue.
Dahil dito, muling nanawagan ang DOH na huwag maging kampante at paigtingin ang Taob, Taktak, Tuyo, Takip sa mga lugar na maaaring pag-ipunan ng tubig tulad ng sirang gulong, paso, basurahan, bote, at iba pang containers sa bahay at komunidad.
Ayon kay Sec. Herbosa, kritikal ang susunod na mga linggo upang maiwasan ang posibleng pagtaas ng dengue cases at maprotektahan ang mga kabahayan, lalo na sa mga lugar na matinding binaha.
“Ang simpleng paglilinis at pagtatapon ng mga pinaghihimutangan ng tubig ay malaking ambag para mapigil ang pagdami ng lamok,” paalala ng DOH.
Patuloy na hinihikayat ng ahensya ang publiko na maging mapagmatyag at regular na magsagawa ng anti-dengue cleanup upang maiwasan ang posibleng outbreak.