16/09/2025
YAGE ORGANIZATION STATEMENT🌷🌈
Kami sa Youth Advocates for Gender Expression (YAGE) ay mariing kumukondena sa lahat ng anyo ng korapsyon. Mula sa pawis ng mga manggagawa, sa binawas sa sweldo ng empleyado, at sa kinita ng maliliit na negosyo, hindi ito pera na parang sariling bulsa. Ang bawat pisong nilustay ay pera na sana’y napunta sa pampublikong ospital na kulang sa gamot, sa mga g**o na kulang ang sahod. Ang mabilis na paglaho ng pondong ito ay hindi lang simpleng pang-aabuso, kundi malinaw na kawalan ng malasakit sa sambayanang patuloy na nagsusumikap sa gitna ng krisis at taas-presyo.
Habang ang mga nasa kapangyarihan ay abala sa pagwaldas ng pera ng bayan, naroon ang jeepney driver na buong araw nakikipagbuno sa trapiko para sa baryang pamasahe. Naroon ang magtataho na maagang gumigising, bitbit ang balde, umaasang may bibili ng kanyang paninda. Naroon ang call center agent na puyat at pagod, nagsasakripisyo ng kalusugan para kumita ng sapat. Naroon ang mga nakatira sa bangketa na walang masilungan at ang tindera sa palengke na umaasa sa benta para may maiuwing ulam.
Sila ang mukha ng tunay na Pilipino. Sila ang totoong naghihirap dahil sa kawalan ng transparency at accountability ng pamahalaan. Kasama sa laban na ito ang boses ng LGBT community, mga kabataan, manggagawa, at ordinaryong mamamayan na hindi lang lumalaban para sa pagkilala sa aming identidad, kundi para rin sa isang gobyernong marunong rumespeto sa karapatan ng bawat Pilipino. Naninindigan kami na kung kami ay nagbabayad ng buwis nang tapat at marangal, karapatan din naming makita na ang pera ng bayan ay ginagamit nang tama. Hindi kami papayag na habang kami’y nagsasakripisyo, ang mga nasa kapangyarihan ay nagsasaya sa pagwaldas.
Kaugnay nito, muling makikiisa ang LGBT community sa isang mahalagang rally sa darating na Setyembre 21 sa Luneta upang ipahayag ang aming paninindigan laban sa korapsyon. Hindi lamang ito simpleng pagtitipon para sa pagkilala sa aming identidad, kundi isang sama-samang hakbang upang manindigan kasama ng bawat Pilipino na nagnanais ng isang gobyernong tapat, makatarungan, at may malasakit sa bayan. Ang aming presensya ay patunay na ang laban para sa pagkakapantay-pantay at karapatan ay hindi maihihiwalay sa laban para sa mabuting pamamahala, sapagkat ang bawat buwis at kontribusyong pinaghihirapan ng mamamayan ay nararapat na maibalik sa kanila sa anyo ng tunay at tapat na serbisyo publiko.
MAKI BEKI, WAG MANGURAKOT!🌷🌈