21/04/2026
APAT NA KABATAANG HIKERS, NASAGIP NG PNP MATAPOS MA-STRANDED SA KABUNDUKAN NG CAGAYAN
Ligtas na nasagip ang apat na kabataang hikers na na-stranded sa kabundukan ng Brgy. Taggat Sur, Claveria, Cagayan matapos ang mabilis na aksyon ng pulisya at iba pang ahensya noong tanghali ng Abril 18, 2026.
Batay sa ulat, bandang alas-12:00 ng tanghali ay humingi ng tulong ang isang menor de edad na kasama ng grupo matapos maiwan ang apat niyang kasamahan sa kabundukan dahil sa matinding pagkapagod at hindi na makabalik, kaya agad na kumilos ang Claveria Police Station katuwang ang MDRRMO at Philippine Coast Guard.
Sa loob lamang ng wala pang isang oras, natunton ang mga biktima na kapwa pagod at dehydrated. Agad silang binigyan ng paunang lunas at dinala sa pinakamalapit na pagamutan para masigurong maayos ang kanilang kalagayan.
Pinuri ni Chief, PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang naging koordinasyon ng mga rumespondeng yunit.
“Hindi natin pinapalampas ang oras kapag may nangangailangan ng tulong. Ang bawat minuto ay mahalaga sa pagliligtas ng buhay,” ani PGen Nartatez.
Dagdag pa niya, “Patuloy ang paalala ng PNP: maging responsable sa paglalakbay, lalo na sa mga kabundukan at delikadong lugar, mag-ingat po tayo. Siguraduhing handa ang katawan, may sapat na tubig at gamit, at ipaalam sa pamilya o awtoridad ang inyong pupuntahan.”
Muling pinatunayan ng insidenteng ito ang kahandaan at dedikasyon ng kapulisan at mga katuwang na ahensya sa pagresponde sa oras ng pangangailangan—isang malinaw na halimbawa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PNP-PIO)