28/11/2025
ANAK NG PANDAY AT FULL SCHOLAR NG LGU-SAGAY, TOPNOTCHER SA NURSES LICENSURE EXAM
Isang karangalan para sa Sagay City si Maria Angela Viovicente matapos siyang maging Rank 8 sa November 2025 Nurses Licensure Examination, kung saan nakakuha siya ng 92.40% na rating.
Si Viovicente, 23-anyos, ay nagtapos sa State University of Northern Negros sa kursong Nursing at residente ng Purok Lerio, Brgy. Vito, Sagay City.
Sa exclusive interview ng K5 News FM Northern Negros kay Viovicente, ibinahagi niyang siya ay naging full scholar ng LGU-Sagay mula 1st year hanggang sa siya ay makatapos ng kolehiyo.
Napag-alaman na isang panday ang ama ni Viovicente at housewife naman ang kanyang ina.
Malaki rin ang pasasalamat ni Viovicente kay Sagay City Mayor Leo Rafael "Bebo" Cueva dahil sa scholarship na malaki ang naitulong sa kanyang pag-aaral at sa pagtupad ng kanyang pangarap na makapagtapos.
Ayon pa kay Viovicente, lubhang hirap ang buhay ng kanilang pamilya kaya nagsumikap siyang makatapos sa pag-aaral at makapasa sa eksaminasyon upang matulungan ang kanyang mga magulang na nagtatrabaho para matustusan ang kanyang baon at mga pangangailangan sa eskwelahan noong siya ay nag-aaral pa.
Dagdag pa ni Viovicente na hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan sa pagre-review, ngunit dahil na rin sa kanyang tiwala sa Diyos at sa kanyang malaking pangarap, naibigay ang kanyang ipinagdasal.
Malaki rin ang pasasalamat ni Viovicente sa kanyang mga kaibigan, g**o, propesor, at iba pang tumulong sa kanya.
Mensahe naman ni Viovicente sa mga hindi nakapasa at sa mga kukuha pa ng exam:
"Sa iba naman na hindi nakapasa ngayon, alam ko na malaki na ang naging sakripisyo at effort nila para sa pagkuha ng NLE. Sana huwag mawalan ng pag-asa dahil may next time pa. Baka hindi pa nila time ngayon, kaya pwede pa sila sa susunod at i-boost ang effort dahil malaking oras ang ibinigay ni Lord. At sa iba naman na gustong mag-pursue ng nursing, laban lang at kaya niyo 'yan, future RNs."