
17/07/2025
MABABANG RESULTA SA SPELLING QUIZ NG SENIOR HIGH STUDENTS SA NORTHERN SAMAR, IBINUNYAG NG ISANG G**O
Northern Samar — Isang g**o sa asignaturang Media and Information Literacy ang nagbahagi ng mabababang marka ng kanyang mga estudyante sa isinagawang spelling quiz noong Miyerkules ng umaga, Hulyo 16, 2025. Makikita sa mga larawang kuha ni YouScooper Neil Bugsok ang resulta ng pagsusulit na nagpapakita ng kakulangan ng mga mag-aaral sa tamang pagbabaybay ng mga salita.
Nilinaw ng g**o na ang kanyang layunin sa pagbabahagi ng naturang post ay hindi upang ipahiya ang mga estudyante, kundi upang magbigay ng kamalayan sa publiko sa lumalalang isyu sa kasanayan sa wika ng kabataan. Ayon sa YouScooper, ang post ay isang paanyaya para sa collective efforts o sama-samang pagkilos ng komunidad upang matulungan ang mga mag-aaral na mapaunlad ang kanilang kaalaman sa pagbabaybay.
“Hindi ito para ipakita lamang ang mababang scores. Ito ay panawagan sa mga magulang, g**o, at buong komunidad na kumilos at magtulungan para sa kapakanan ng edukasyon ng ating kabataan,” pahayag ng g**o.
Umani ng sari-saring reaksyon ang nasabing post mula sa mga netizens. Ilan sa kanila ang nagpahayag ng pagkabahala sa kalidad ng edukasyon, lalo na sa mga batayang kasanayan tulad ng pagbasa at pagsusulat. Mayroon din namang mga nagpakita ng inisyatiba at kahandaang tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng tutorial at karagdagang learning materials.
Nanawagan din ang ilan sa Department of Education na paigtingin ang mga programa sa literacy, partikular sa spelling at reading comprehension, upang tugunan ang isyung ito hindi lamang sa Northern Samar kundi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Umaasa ang g**o na magsisilbing mitsa ang kanyang pagbabahagi para sa mas malawak na diskusyon at konkretong hakbang sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa rehiyon.
“Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pagkilala sa problema at sama-samang pagkilos para ito ay malutas,” pagtatapos niya. ‎