05/09/2025
Habang lumalamig ang hangin
Setyembre na.
Ramdam mo ba?
Habang lumalamig ang hangin,
May kakaibang himig na sumasabay sa bawat hinga.
Tahimik, ngunit buo.
Dumarating na parang tanong:
“Handa ka na ba?”
Si Jose Mari Chan, parang multo ng Pasko.
Dumarampi, pero hindi pa lubos.
Sumisilip sa bintana,
Paalala na ang saya ay paparating na.
Tahimik ang kanyang kanta sa paligid,
Parang lihim na paanyaya sa dulo ng taon.
Pero hindi lang musika ng Pasko ang hatid ng Setyembre.
Kasabay nito ang pagbabalik ng ingay sa unibersidad:
Ang kape sa ikatlong tasa,
Ang panalangin sa huling sulyap bago pumasok sa sariling silid,
At ang bawat pahina ng binabasang ‘di pa tapos,
Tahimik mang laban, may halong pag-asa’t ligaya.
Pero sa gitna ng lahat ng ito,
Pagod, pangarap, pagsusulit, puyat, at mga luhang naitatago,
May dumadapong tanong: Kaya pa ba?
Tahimik, pero mabigat,
Parang ulan sa España, bigla at walang pasabi,
Ngunit sa likod ng dilim, may liwanag na unti-unting sumisilay,
Handang gabayan ka patungo sa bukang-liwayway.
Nariyan ang Setyembre na bumubulong,
“Tuloy lang.”
Kahit basang-basa ang sapatos,
Kahit pa ika’y mapagod.
At sa dulo ng lahat ng ito,
May parol na magliliwanag,
May amoy na magpapagaan ng gabi,
At may Paskong matiyagang naghihintay sa tabi.
Wika ni Jasmine Faye Peig
Likha ni Sofia Averilla