07/08/2026
๐๐๐๐๐๐๐๐๐ | ๐๐๐ฅ๐ข๐๐ ๐๐ฌ ๐๐จ๐จ๐?
Ilang henerasyon na ba ang nasabihan ng katagang โang kabataan ang pag-asa ng bayan?โ Paulit-ulit itong binibigkas sa mga talumpati, isinusulat sa mga aklat, at inuukit sa isipan ng bawat mag-aaral. Ngunit paano kung ang mismong kabataan ay unti-unti nang nawawalan ng paniniwala rito? Paano kung sa bawat araw na lumilipas, mas nagiging malinaw ang kakulangan kaysa sa pag-asa?
Sa gitna ng ganitong realidad, tila may mga panandaliang pahinga ang lipunanโmga sandaling may umaabot na tulong, parang patak ng ulan sa tuyong lupa. Saglit itong nagbibigay-buhay, saglit nagpapagaan ng pakiramdam, ngunit hindi sapat upang tuluyang mapawi ang matagal nang tagtuyot. At sa paglipas ng mga araw, bumabalik ang parehong siklo ng pangangailangan, na tila ba walang permanenteng lunas.
Habang ang ilan sa amin ay lumaki na hindi kailanman nag-alala kung may pagkain pa sa hapag sa susunod na araw, may mga batang sa murang edad pa lamang ay napilitang matutong mamuhay sa gitna ng kakulangan. Habang kami ay nasanay sa malinis na damit, komportableng tirahan, at sapat na pagkain, sila naman ay lumalaki sa kapaligirang salat sa mga pangunahing pangangailanganโumaasa minsan, sa tulong na hindi tiyak kung kailan muling dadaan.
Sa pagpasok namin sa Sitio Tahimik sa Del Pilar, San Fernando, Pampanga, agad bumungad ang mga batang naglalaro sa gilid ng daanโang ilan ay walang suot na pang-itaas, gusgusin ang hitsura, payat ang pangangatawan, ngunit may mga ngiting tila ba walang bahid ng pagod sa buhay. Sa simpleng pagdaan namin sa kanilang lugar, tila ba kami ang naging kakaibang tanawin sa kanilang araw.
Ang komunidad na ito ay isa sa mga partner communities ng University of the Assumption para sa programang NSTP ng mga estudyante sa ikalawang semestre. Bahagi ito ng pagpapatupad ng Republic Act No. 9163, o National Service Training Program Act of 2001, na naglalayong hikayatin ang mga kabataan na maging aktibong bahagi ng nation-building sa pamamagitan ng paglilingkod sa komunidad.
Bilang bahagi ng programang ito, nagsagawa ang mga mag-aaral ng outreach activity kung saan namahagi kami ng mga relief goods sa mga pamilyang naninirahan sa lugar. Habang ang ilan sa aking mga kaklase ay masayang namimigay ng tulong, hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot. Sa bawat supot ng pagkain na aming inaabot, tila mas lalo kong nararamdaman ang bigat ng realidad na kinahaharap ng mga taong narito araw-araw.
Hindi ko lubos maisip kung paano nakakayanan ng mga batang ito ang ganitong klase ng buhayโisang kapaligirang bunga nang matagal ng kakulangan sa maayos na serbisyo at sapat na suportaโna maaaring makasama sa kalusugan ng kanilang mahina at murang pangangatawan. Ngunit sa kabila ng lahat, patuloy silang nakangiti, naglalaro, nabubuhay sa mundong kanilang kinagisnan.
Paano nagiging normal ang isang mundong puno ng kakulangan?
Paano nananatiling totoo ang kanilang mga ngiti sa kabila ng hirap na kanilang nararanasan?
Gayunpaman, isang tanong ang patuloy na bumabagabag sa aking isipan: sapat na bang tanggapin na lamang ang ganitong kalagayan bilang normal? O nararapat bang magkaroon ng mas malalim at mas konkretong tugon ang lipunan sa mga pasaning ito?
Ang pamamahagi ng relief goods ay maaaring magbigay ng pansamantalang ginhawa, ngunit hindi nito tuluyang nababago ang sistemang nagluluwal ng ganitong kahirapan. Higit pa rito, kinakailangan ang pangmatagalang solusyonโedukasyon, oportunidad, at mga programang tunay na mag-aangat sa kanilang kalagayan. Sapagkat ang mga batang nakita naming nakangiti sa gilid ng kalsada ay hindi lamang mga mukha ng kahirapan; sila rin ay mga mukha ng pag-asa.
At marahil, doon nagsisimula ang tunay na diwa ng paglilingkod: sa pagkilala sa kanilang realidad, at sa pagnanais na maging bahagi ng pagbabago.
Ang karanasang ito ay hindi lamang simpleng community visit para sa isang asignatura. Isa itong paalalaโna sa labas ng ating komportableng mundo, may mga taong patuloy na lumalaban araw-araw para lamang mabuhay.
At habang patuloy nating nasasaksihan ang mga ganitong realidad sa ating lipunan, hindi maiwasang itanong: kung may mga programang dapat naglilingkod sa mamamayan, bakit nananatili ang ganitong kalagayan?
Kung gayon, sa harap ng ganitong realidad, hindi baโt makatarungang magalitโhindi sa mga taong naghihirap, kundi sa sistemang patuloy silang iniiwan?
Written by: Prince Daniel Dela Cruz
Graphics by: Hannah Karel Cayanan