17/01/2026
Sa Kandungan ng Lansangan
Nang talikuran ng mundo si paslit,
Inalok ng lansangan ang kamay nito
Kinulong siya sa bisig, pinatahan,
At nangakong hindi siya iiwan.
Saksi ang poste ng ilaw sa kaniyang pag-iisa,
Ni walang inang magsasabing, “anak, tahan na.”
Ang basura sa iba, kaniya’y kayamanang pilit,
Nilunok ang pait ng kapalaran,
Ng batang tanging unan ay sariling siko niya’t binti.
Ano’ng kasalanan at pasan ang mundo ng munting balikat
Upang sa ganitong pagdurusa’y maaga siyang mamulat?
Ang mundo’y nagpatuloy, mabilis naglakad,
Habang siya’y naiwang nakalahad ang mga palad.
Isinulat ni: Marc Lance Desphy