
24/10/2024
"KAYA PA, AYOS LANG, KAKAYANIN"
Ito ang mga katagang hindi mawawala sa atin.
Ilang beses man tayong sakupin ng dilim,
Patuloy tayong nagkakaroon ng lakas upang ito ay harapin.
Simula't sapul na malaman ang tunay na kahulugan,
ng buhay, ng reyalidad, ng iyong paghakbang.
Natutuhan mo rin kung paano maging matapang,
dalhin ka man ng hangin sa walang kasiguraduhan.
Ang pag-usad sa iyo'y naging mahalaga,
kahit nakakapagod o kahit ubos ka na.
Hindi pipiliing tumigil kahit madalas, hindi na nagpapahinga.
Babagalan lamang ang takbo upang mahabol ang hininga.
Nakarananas ka ng pagkatalo sa iyong ipinaglalaban.
Lumuha ng ilang ulit ng walang nakakaalam.
Sinisi ang sarili sa hindi mabilang na kamalian.
Nawala ka sa dilim ng problema at kawalan.
Ngunit lahat ng ito, alam mong panandalian.
Alam mong ang pagkatalo o panalo ay hindi basehan.
Nalaman mong ang sarili, kailanman ay hindi naging kalaban.
Nagiging malakas ka sa iyong kahinaan.
Dahil ganito tayo tinuruan ng mundo.
Iba-iba man ang kinakaharap nating bagyo.
Iba-iba man ang paraan natin upang malagpasan ito.
Mandirigma tayo na handang lumaban hanggang dulo.