21/07/2025
𝗟𝗔𝗧𝗛𝗔𝗟𝗔𝗜𝗡 | GRADWEYT NA SI ATE NENG!
Kung pagsuko lamang ang sagot sa mga problema, matagal ko nang sinukuang mag-aral. Mula sa ruting kailangan kong gumising nang umaga upang mag-almusal at maligo, hanggang sa makauwing mga takdang-aralin ang dala, husto na ang aking pasensya sa pag-abot na makakuha ng sertipiko at medalya. Ngunit sa kabila ng mga bagay na hindi ko nais maranasan, kahit pa na bahagi lamang ito ng proseso ng buhay-estudyante, naging bulag ako. Hindi ko nakita ang tulay sa banging dinaraanan, lubid na aking hinahawakan, at kahoy na siyang pundasyong aking tinatapakan patungo sa paroroonan; basta ang alam ko lang, ako ay nahihirapan. Oo nga pala, may pamilya akong nasa aking likuran.
Hindi ko ito naratibo, kaiba sa kung paano ko kilalanin ang depinisyon ng edukasyon. Ito ay isang kuwentong mula sa karanasan ng isang huwarang inang ipinagpatuloy ang pangarap makapagtapos ng pag-aaral, sa kabila ng mahabang panahong pagtataguyod sa sariling pamilya.
---
Sa magkakadikit na tindahan sa lungsod San Jose, Nueva Ecija, makikila si Leonora "Neng" Abad, 54, na ngayong pinagkakabuhayan ang kanyang sariling karindeya, at siya rin ang nakaatas na pangalagaan ang paupahan ng kanyang kapatid. Malapit si Neng sa mga estudyante, hindi dahil tapat lamang ng eskuwelahan ang lokasyon ng kanyang kainan, kundi dahil minsan din siyang naging mag-aaral.
𝗟𝗔𝗥𝗔𝗪𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗞𝗔𝗥𝗔𝗔𝗡, 𝗣𝗔𝗡𝗚𝗔𝗥𝗔𝗣 𝗡𝗚 𝗕𝗨𝗞𝗔𝗦
Taong 1971 nang siya ay 16 na taong gulang, ibinahagi ni Neng na nahinto siya sa pag-aaral, dahilan upang makatulong sa kanyang pamilya. Sa Qatar, Saudi Arabia niya unang nasubukan kaharapin ang totoong hamon ng buhay. Sa pakikipagsapalaran, bitbit niya ang pangarap na maiahon sa kahirapan ang mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas. Ang trabaho niya bilang 'babysitter' o tagapag-alaga ng bata, ay hindi naging mahirap para sa kanya, kung kaya ay nairaos ang isang kontrata.
Sa kanyang pag-uwi, hindi rin nagtagal ay humanap siyang muli ng pagkakahanapbuhayan. Masasabing sa mga panahong iyon, hindi sumapasat ang perang naipadadala buwan-buwan at naiuwi niya sa loob ng dalawang taon.
Sa Malaysia, nahanap niya ang sarili bilang factory worker. Ang akalang tuloy-tuloy nang biyaya, nagtapos din ng isang taon. Sa una, naging maganda ang patakaran sa loob ng pabrika, ngunit kalaunan ay nag-iba ang pakikitungo sa kanila bilang trabahador. Nagkaroon ng dayaan sa suweldo, kung kaya ay ipinaglaban niya ang karapatan nang may paninindigan. Humarap siya sa isang mahirap na desisyon habang siya ay nasa ibang bansa: uuwi na lamang o magtitiis sa mababang pasahod. Ngunit hindi nagtagal, hindi na niya nasikmura ang kasakimang trato sa kanila.
Makalipas ang panahon, sinubukan naman niya sa munisipyo ng lungsod kung saan siya nakatira. Dito, siya ang responsable sa pagbibigay ng sedula sa mga nangangailangan. Subalit dahil nga siya ay nahinto sa pag-aaral, hindi naging buo ang kanyang kakayahan sa teknikal na pagsulat, maging ang pakikipagtalakayan sa iba't ibang uri ng tao.
At noon, sa haba ng lakbaying kanyang sinuong, mananatiling ang kahalagan ng edukasyon ang nanunumbalik sa kanya—ang kagustuhang makatungtong ng kolehiyo. Ang kanyang pagkakatago sa pinagkakaingat-ingatang alaala ng kahapon—ang kanyang larawan nang magtapos ng sekondarya—ang naging inspirasyon sa kanya upang ituloy ang pangarap na naudlot.
𝗜𝗞𝗔𝗪 𝗡𝗔𝗠𝗔𝗡, 𝗠𝗔𝗠𝗔
Tulad ng pangarap ng isang pangkaraniwang babae, nagkaroon si Neng ng isang anak—si Jesusa Abad, 28. Sa mataguyod na pagpapalaki kay Jesusa kasama ang asawang si Wilson Abad, 59, napagtapos nila ito ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Criminology sa Phinma Araullo University–San Jose Campus taong 2019.
Si Neng, katuwang ang kanyang karinderya, naging pundasyon ito upang pagpursigihang maisakatuparan ang obligasyon niya bilang isang magulang. Na tulad ng pang-araw-araw na pag-asikaso ng isang nanay, sinig**o ni Neng na maibigay ang buong pangangailangan, lalo na sa pambaon at pambayad ng matrikula.
Mula sa paggayak nito ng mga gamit, pagsasaayos ng uniporme, at walang-hanggang suporta sa anak. Hanggang sa marinig niya ang pangalan nitong matawag sa mga magsisipagtapos, inakala ni Neng na yari na ang kanyang layunin bilang ilaw ng tahanan—na handa nang mapundi anumang oras. Ngunit sa katunayan, doon pa lamang magsisimula ang bagay na minsang inasam—sa mga pagkakataong hindi niya inaakala—sa wakas ay makukulayan na rin niya ang kanyang sariling istorya.
𝗔𝗡𝗚 𝗕𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗡𝗚 𝗠𝗨𝗟𝗜𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗚𝗦𝗨𝗕𝗢𝗞
Para naman sa tipikal na perspektibo, wala na ring saysay kung ipagpapatuloy pa ang edukasyon, kung bilang na lamang din ang panahong nabubuhay sa mundo; mas mahaba pa ang taong hindi nakapag-aral upang diploma at oportunidad sana ay nagamit. Ngunit para sa pamilya ni Neng, hindi hadlang ang edad upang muling bumangon sa pagkatalisod ng kahapon. Naging sandalan niya sina Wilson at Jesusa sa pagpapatuloy ng pag-aaral—na silang unang naniwala at sumuporta.
Sa kada araw na nagiging malinaw para kay Neng tumuloy ng kolehiyo, ganoon din kalakas ang senyales na sundan ang mga guhit sa kanyang palad. Sa kanyang pakikipagkapwa-tao, hindi matatapos ang liwanag sa kalangitan nang walang maririnig na, "Ate Neng, mag-aral ka." — bagay na kinatuwa niya, sapagkat bukod sa pamilya, may mga taong nagmamalasakit sa kanya. At ang simpleng pag-anyaya na ito, ang nag-asinta upang tuluyan nang pumasok ng tersiyaryo.
Sa Core Gateway College, Inc. (CGCI) ipinagpatuloy ni Neng ang kanyang pag-aaral. Sa iisang institusyon, nilahad na minsan na niya itong tinuring na pangalawang tahanan, sapagkat bago siya nag-ibang bansa, kumuha siya ng programang Bachelor of Science in Office Administration. At sa kasalukuyan, taong 2025, natapos niya ang apat na taon sa kursong Bachelor of Science in Business Administration major in Financial Management. Ngunit upang makarating doon, binahagi niya na hindi naging madali ang dagok na kanyang dinanas.
𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗦𝗜 𝗠𝗔𝗚𝗗𝗔𝗟𝗘𝗡𝗔, 𝗦𝗜𝗬𝗔 𝗦𝗜 𝗟𝗘𝗢𝗡𝗢𝗥𝗔
Sa ika-una at ikalawang taon ni Neng sa kolehiyo, pinili niyang gabi ang iskedyul ng kanyang klase, upang sa umaga ay makatulong pa sa pagtitinda. Magsisimula ang pagiging estudyante niya sa ganap na 6 hanggang 8 ng gabi, makatapos ang pagpapakananay sa araw. Kasabay ng pangangalaga sa takbo ng tindahan, nagmistulang tulog sa umaga at gising hanggang hating-gabi si Neng.
Habang nag-aaral, ang anak na si Jesusa ang tumutulong sa pagtakbo ng negosyong karinderyang 11 taon na ang nakalilipas mula nang ito magsimula. Isa sa mga mabentang ulam na inihahain ng kainan, ay ang abot-kayang presyong sisig na paburito ng lahat mapa-estudyante man o g**o. Kung kaya upang mapanatili ang kalidad ng serbisyo, si Neng ang gumigising ng madaling araw upang bumili ng sariwang karne sa palengke, na kanya naman itong lulutuin. At doon, nakabuo siya ng magandang koneksyon sa ibang tao.
Kanyang nilahad na sa proseso ay laking-pasasalamat niya sa mga taong gumabay at nagtiyagang tumulong sa pagbahahagi ng kaalaman. Sa mga pagkakataong ang pag-upo sa klase ay kanyang nagsisilbing pahinga, dahilan upang hindi makapagpokus sa talakayan. Hindi man kadugo, ngunit may handang lumapit sa kanya na naging kasangkapan sa tagumpay.
𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗦𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗡𝗚 𝗟𝗜𝗪𝗔𝗡𝗔𝗚
Nang makalahati na sa inaasam-asam niyang makagraduweyt, doon pa siya napanghinaan ng loob magpatuloy. Dumating siya sa desisyong kinailangan niyang pumili ng isa sa opsyong: huwag nang magpatuloy ng kolehiyo, ngunit diretso ang takbo ng tindahan o isara na lamang ito at magpokus sa pag-aaral. Sapagkat para sa kanya, hindi sumasapat ang kinikita mula sa karindeya upang makaraos sa pang-araw-araw na gastusin, at dagdag-isipin lamang ang pinansyal na uubusin sa matrikula. Ngunit ang pagpili na ito ay hindi sinang-ayunan ng tadhana. Ang ilaw ng tahanang humihina ang liwanag, ang haligi nito ang kanyang naging sandalan. At sa kalakasang ito, may Diyos na gumabay sa kanya. Kung kaya, buhay na patunay si Neng na kung para sa iyo, hindi mo kailangang pilitin.
“Kung wala kang ibang pagkukuhanan [ng pera], hindi talaga sasapat. Pambayad ng kuryente at tubig, saan [ko] kukuhanin? Kaya lang talagang mabait ang Diyos. Hindi kami nawawalan ng pag-asa, laging kaya namin. Hindi kami pinaabayaan, laging dire-diretso."
𝗛𝗔𝗡𝗗𝗔 𝗡𝗔 𝗦𝗜 𝗔𝗧𝗘 𝗡𝗘𝗡𝗚!
Hindi nga lingid sa kaalaman na may edad na si Neng nang makapag-aral. Kung kaya tulad ng isang batang nasa elementarya pa lamang, mapaiisip ito kung bakit ang isang matandang babae ay nakabihis-uniporme. Na marahil ay hindi pa nito lubos na mauunawaan ang dahilan, kaya’t magagawa niya ito kaagad na husgahan. Hindi nakaiwas si Neng na makatanggap ng ganitong uri ng pagtingin sa kanya. At dahil siya ang may gulang sa pag-iisip, sinasalo niya ang mga binabatong pamumuna. Maging ang reyalidad ng buhay na kung wala kang pinag-aralan, katumbas nito ang pagiging mababa ang tingin. “Gusto kong mag-aral kasi nahihiya ako noon sa mga tao.” Ngunit sa kabila nito, taas-noo niyang iginagalang ang sarili. Biro niya, “Ngayon kahit saan na ako magpunta, kahit English pa ang salita ng kaharap ko, kaya ko nang makipagsabayan at umunawa.”
Walang pangalawang buhay sa mundo. Walang nakapagbabalik ng oras sa relo. At walang paraan upang itama ang sarili sa pagkabigo. Ngunit ang lahat ng dahilan ay may paraan, at ang pag-abot sa mga pangarap ay walang hangganan. Ang isang tulad ni Neng na anak na mapagkalinga, nanay na mapag-alaga, at estudyanteng matiyaga, ay tanda ng pananalig at pagtitiwala. Na minsan mang sinubok ng tadhana, muli siyang bumangon upang karangalan ay makuha.
---
Kung sasagutin ko ang tanong kung gusto ko pa bang mag-aral, sa kabila ng hirap na nararansan, ang aking tugon ay oo. Napagtanto kong pribilehiyo akong gumising sa umaga nang may nakahain nang pagkain sa lamesa. Suwerte ako dahil may tahanan akong uuwian upang magpahinga. At higit sa lahat, anak ako na pinag-aaral ng magulang na hindi na kailangan pang intindihin ang bayarin sa eskuwela.
Sulat ni Christian Sembrano
Larawan nina Kentchie De Guzman, Beiman Samonte
Anyo ni Kentchie De Guzman