19/12/2025
DPWH, NAGREKOMENDA NG KASO LABAN KAY ROMUALDEZ AT 86 IBA PA SA FLOOD CONTROL SCANDAL
Inirekomenda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsasampa ng mga kasong plunder, malversation, graft, at bribery laban sa 87 indibidwal na umano’y sangkot sa kontrobersyal na flood control projects, kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, isinagawa ang rekomendasyon katuwang ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Justice, bilang bahagi ng mas malalim na imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa pondo ng flood control.
Kasama rin sa mga inirekomendahang kasuhan sina dating DPWH Secretary Manny Bonoan, ilang dating DPWH undersecretaries, mga senador, dating mambabatas, at contractor na si Sarah Discaya.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong kanyang SONA na magsagawa ng full investigation sa mga flood control projects sa nakalipas na tatlong taon, matapos ihayag na tinatayang ₱100 bilyon sa ₱545 bilyong pondo ang napunta umano sa iilang kontratista.
Sa ngayon, iniulat ng mga awtoridad na aabot na sa ₱13 bilyon ang na-freeze na mga asset kaugnay ng imbestigasyon, kabilang ang libo-libong bank accounts, sasakyan, real properties, at iba pang ari-arian.