
03/07/2025
Mayor Roanna Conti, Agad Kumilos sa Problema sa Basura ng San Pascual;JV Partner ng Sanitary Landfill ipatatawag
San Pascual, Batangas – Hindi pa man opisyal na nauupo, agad nang kumilos si Mayor Roanna Conti upang tugunan ang lumalalang problema ng basura sa bayan ng San Pascual. Isa sa kanyang mga unang aksyon bilang bagong halal na alkalde ay ang pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang humingi ng tulong sa pagresolba sa isyu ng halos punong Sanitary Landfill Facility (SLF) ng bayan.
Noong Hunyo 17, personal na nakipagpulong si Mayor Conti kay DENR Undersecretary Mitch Cuna, kung saan pormal niyang isinumite ang isang liham na naka-address kay DENR Secretary Raphael Lotilla. Sa naturang liham, humiling siya ng agarang site inspection at teknikal na tulong mula sa Environmental Management Bureau (EMB) upang masuri ang kasalukuyang kalagayan ng SLF na itinayo noong kanyang unang termino bilang mayor noong 2016–2019, na 100% pinondohan ng lokal na pamahalaan.
Bilang tugon, noong Hunyo 20, bumisita sa Barangay Antipolo, San Pascual ang isang technical team mula sa EMB Region IV-A sa pangunguna ni Regional Director Cora Gazapos upang magsagawa ng site assessment. Pagkaraan ng inspeksyon, isang follow-up meeting ang idinaos noong Hunyo 29 sa EMB Regional Office sa Calamba, Laguna upang pag-usapan ang findings at rekomendasyon para sa susunod na hakbang.
Ngayon na pormal nang nanunungkulan si Mayor Conti, ipapatawag nya ang joint venture (JV) partner ng lokal na pamahalaan sa pagpapatakbo ng SLF upang harapin ang mga natanggap na reklamo mula sa mga residente at stakeholders. Kabilang sa mga inilalapit na isyu ay ang kawalan ng maayos na pamamahala, posibleng paglabag sa environmental standards, at hindi sapat na impormasyon sa publiko ukol sa operasyon ng pasilidad.
“Ngayon na ako’y pormal nang nakaupo bilang punong bayan, pananagutan ko na siguraduhing mapapanagot ang sinumang may pagkukulang sa tamang pamamahala ng ating sanitary landfill. Ayokong masayang ang pinaghirapan nating proyekto noong 2016–2019. Dapat itong mapakinabangan ng mga mamamayan at hindi maging sanhi ng problema,” pahayag ni Mayor Conti.
Ang mga sunod na hakbang ay inaasahang magbibigay linaw sa estado ng SLF at magiging daan para sa mas epektibong solid waste management program sa San Pascual.
United San Pascual News Channel