12/05/2024
AKO AY IYONG INA
-MakaTalata
MALIGAYANG ARAW NG MGA INA🤱🩷
O kay bilis ng panahon at patuloy ka sa pagsabáy,
ang pangkaraniwan ay unti-unti nang nagkakakúlay
Mulâ sa aking mga bisig at sa mga paggabáy,
sa kasalukuyan, binubuo mo na ang sarili mong búhay
Pero anak, sa paglalakbay maraming mga húkay
Marami nang sa iyo ang mga naging pagbabago;
sa pananamit, ugali at ang mismo mong pagkatao
Naalala ko pa ang mga laruan na dala-dala ko,
labis ang iyong tuwâ dahil lingid ko ang iyong gusto
Ngayon, iba ka na nga, ina-anud ka na ng mga usò
Sabagay hindi ka rin naman mananatiling batà,
kaakibat ng tao ang mga araw ng pagtanda
Alam ko rin naman na ang lahat ng ito ay paghahanda,
nais mo lámang na ang iyong hinaharap ay magíng maganda
at patunay na malaki ang pangarap mo sa ating pamilya
Wala ng hihigit sa tuwâ at sayâ ng isang ina,
na makita na humahakbang ang kaniyang (mga) anak
Sa mga tagumpay mo sa bawat ginagawa,
ako ang una mong tagahanga na pumapalakpak
Ang tunay na panalo sa mga paligsahang iyong dinaluhan,
ang kakaibang premyo bukod sa mga medalya at sertipiko
at katulad kong ina ang kampiyon sa lahat pagkakataon
Ang magkaroon at biyayaan ng anak na katulad mo
ay isang ginto na waláng kasing-halaga, dolyar man o piso
Anak, alam kong marami ka ng napatunayan,
sa pag-aaral man o sa loob at labas ng tahanan
Nais kong malaman mo na sa anu mang panahon
ako'y laging nasa iyong harapan at likuran,
naka-antabay sa iyo sa mga susunod mo pang daraanan
Ngayong naglalakbay ka sa iyong kapanahunan,
Huwag ka nawang malilo ng kapaligiran
at magíng mapagmatyag ka nawa sa mga pangkaraniwan
dahil lingid ko ang kapahamakan sa mga kabataan
Gagabayan kita lalong-lalo na sa kasalukuyan,
Baunin mo ang mga patnubay ng ilaw ng tahanan,
at lagi mong ilagay sa iyong puso't isipan,
na ako'y iyong ina, noon hanggang magíng ikaw.
Ang larawang ito ay galing sa Internet.