21/10/2025
KAPITAN EDWIN MATUNOG, BUMILI NG BAGONG MOTORSIKLO GAMIT ANG EMERGENCY FUND - PARA RAW SA "THE BIG ONE"
Habang ang mga residente ay naghahanda ng flashlight, first aid kit, at canned goods para sa posibilidad ng The Big One, tila iba ang diskarte ng kanilang Kapitan. Si Kapitan Edwin Matunog ay napabalitang gumamit ng Emergency Fund ng barangay para makabili ng bagong motorsiklo.
Oo, tama ang narinig n’yo — hindi rescue boat, hindi megaphone, kundi motor na parang pang-delivery ng milk tea.
Ayon kay Kapitan, hindi raw ito luho, kundi “strategic investment.”
“Magagamit ko ‘to para lagyan ng trompa at speaker, para makapagpaalala ako sa mga kabarangay bago tumama ang lindol. Prevention is better than traction,” wika pa ni Kap.
Ayon sa mga tanod, narinig na raw nila ang unang test run ng motorsiklo kung saan umiikot si Kapitan habang sumisigaw sa mic:
“Mga kabarangay! Kung umuuga ang lupa, kumapit sa poste—pero huwag sa utang!”
May mga residente namang nagkomento:
“Maganda ‘yung motor ni Kap, pero sana may sidecar para sa relief goods.”
“Okay na sana, kaso ‘yung trompa niya, mas malakas pa sa boses ng tismosa sa amin.”
Isang kagawad naman ng barangay ang nagbiro,
“Kung sakaling dumating ang The Big One, si Kapitan ang unang makakatakbo — gamit ang barangay fund.”
Sa ngayon, pinag-uusapan na sa buong barangay kung paano napunta ang Emergency Preparedness Fund sa pagbili ng motor na may sticker pa raw ng Butterfly”
Ayon naman sa asawa ni Kapitan, kapag nagkapondo muli ang barangay, drone naman daw ang bibilhin ni Kap “para mas madali niyang makita kung may aftershock o may riles pa ng tren na hindi nila nabebenta.”
Isa lang ang malinaw:
Sa Barangay Nueva, laging handa si Kap —
hindi man sa lindol, pero siguradong ready sa porma.