03/05/2025
𝗛𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗠𝗮𝘁𝘂𝘁𝘂𝗺𝗯𝗮𝘀𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗕𝗮𝗯𝗮𝗲𝗻𝗴 𝗠𝗮𝗴𝗮𝗻𝗱𝗮 𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗮𝗻𝗴 𝗕𝗮𝗯𝗮𝗲𝗻𝗴 𝗠𝗮𝘁𝗶𝗻𝗼
Sa totoo lang, hindi na bago sa atin ang pagbibigay-halaga sa kagandahan. Sa dami ng filters, make-up tutorials, at social media standards ngayon, parang naging normal na sukatan ng “maganda” ang makinis na balat, matangos na ilong, at makurbang katawan. Pero, sabi nga nila, hindi lahat ng maganda sa paningin ay maganda na rin sa loob.
Ang kasabihang "Hindi matutumbasan ng babaeng maganda lang ang babaeng matino" ay isang paalala sa ating lahat—lalo na sa mga kabataan ngayon—na ang tunay na kagandahan ay hindi lang nakikita sa panlabas. Oo, nakakabilib ang babaeng may magandang mukha, pero mas kahanga-hanga 'yung babaeng may prinsipyo, may respeto sa sarili, at marunong tumindig para sa tama.
Ang babaeng matino ay hindi kailangan ng sobrang makeup o mamahaling damit para lang mapansin. Minsan, tahimik lang siya pero may matibay na paninindigan. Marunong siyang makisama, marunong rumespeto, at higit sa lahat, may malasakit sa ibang tao. Masarap siyang kasama, at hindi mo kailangang magkunwari kapag nandiyan siya.
Hindi masama ang maging maganda. Pero kung ang kagandahan mo ay hanggang panlabas lang, baka hindi rin ito tumagal. Kaya mas pinipili pa rin ng maraming tao ang babaeng matino—kasi alam nilang siya 'yung tipong hindi ka iiwan kahit gaano kahirap ang buhay, at siya 'yung babaeng kayang dalhin ang sarili ng may dangal at kabutihan.
Sa huli, ang kagandahan ay lilipas, pero ang kabutihan at katalinuhan ng isang babaeng matino—hinding-hindi matutumbasan.
Words by✍️: Her Thoughts