17/02/2025
TINGNAN: Mag-aaral ng PMPS, pinarangalan ng SORPPO sa pagsasauli ng nawawalang pitaka; katapatan ng bata, nagsisilbing karangalan sa polisya
Pinalakpakan ang ipinamalas na katapatan ni Justine Balane, mag-aaral sa ika-10 baitang ng Pambansang Mataas na Paaralan ng Sorsogon (PMPS), sa isinagawang Seremonya ng Pagkilala ng Sorsogon Police Provincial Office (SORPPO) nitong ika-17 ng Pebrero matapos magsauli ng nawawalang pitaka sa OPLAN LATAG beat Patrollers ng lungsod.
Natagpuan ang naturang pitaka sa Baranggay Burabod na sa pagresponde ni Police Corporal Rico Ramos gamit ang nakitang numero sa loob, ay agad naman itong naisauli kahit walang ID Cards.
Ayon kay Balane, hindi siya nagdalawang-isip na idulog sa mga awtoridad ang pitaka sa takot na siya ay malasin o makarma.
Para naman sa polisya, isang malaking karangalan na sila'y pagkatiwalaan ng mag-aaral at mapakinabangan ng komunidad ang pagsisikap ng PNP upang maghatid ng maaasahang serbisyo.
"Magayon idto sa feeling kasi naramdaman mi na may trust an aki sa pulis, kumbaga an police presence duman sa area sa may Burabod, dakulaon siya na impact doon sa tawo na maisip nakatindog lang an mga pulis,” pahayag ni Police MSg Jenifer Espinar.
Bukod kay Balane, kasabay ring pinarangalan sa parehong seremonya ang ilang pulis at tanod na nagpakita ng kabutihan at katapatan.
Gayunpaman, pinaalalahanan ni Deputy Police Director for Administrator (DPDA) PCol Randy Echaluce ang kapulisan ng SORPPO na magpatuloy sa serbisyo nang tapat sa kabila ng mga parangal at makontento sa anomang natatanggap.
Samantala, inilunsad noong ika-14 ng Pebrero ng PNP-Sorosogon ang programang "I-Text Mo si PD” kung saan maaaring kontakin si Provincial Director PCol Alex Cabrera Daniel upang mas mapabilis ang pagresponde ng polisya.
📝: Queen Dearly Eresmas
📸: Andrei Dometita