10/10/2025
"Promise Ring"
Naalala ko pa ‘yung araw na ‘yun. Tag-init, sobrang init, tapos naglalakad lang kami sa palengke. Wala kaming pera noon, pero ang saya namin.
“Uy, oh,” sabi niya, sabay turo sa isang tindang alahas. “O, oh diba, may singsing dito. Gusto mo?”
Tawa ako nang tawa. “Ewan ko sa’yo, puro kalokohan ka. Murang-mura lang ‘yan oh, baka kalawangin pa.”
Ngumiti siya, sabay sabi, “Eh ano ngayon, basta ikaw magsuot nito, kahit kalawangin pa ‘to, forever pa rin ‘yan.”
Ayun. Binili namin. Isang pares ng mumurahing singsing, nilagay pa namin sa mga daliri namin habang naglalakad pauwi.
Tawa lang kami nang tawa, habang paulit-ulit niyang sinasabi,
“Walang bibitaw ha?”
“Walang bibitaw,” sagot ko.
Lumipas ang mga taon. Nawala na ‘yung kintab ng singsing, pero hindi ko siya tinanggal.
Kahit nung nagka-problema kami. Kahit nung unti-unti na siyang lumalayo.
Hanggang isang araw, nakita ko sa social media — naka-tuxedo siya, nakaluhod, hawak ang isang maliit na kahon.
At doon ko nakita… isang totoong engagement ring.
Pero hindi ako ang nakatanggap.
Hindi ako ‘yung babaeng ngumiti habang sinasabi niyang, “Yes.”
Tumingin ako sa daliri ko. Kalawangin na yung singsing na galing sa palengke, pero hindi ko parin tinatanggal.
Kasi minsan, kahit gaano kababa ang halaga ng singsing… dun niya iniwan yung pinakamahal niyang pangako.