01/09/2025
Cristonioans, Ipinamalas ang Husay sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025
Sa makulay at masiglang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025, muling nasilayan ang walang kapantay na talento at husay ng mga mag-aaral ng Sto. Cristo Integrated School. Sa iba’t ibang larangan ng patimpalak—mula sa masiglang sayaw, himig ng melodiyahan, masining na spoken poetry, malikhaing pagbasa, hanggang sa makulay na paggawa ng slogan at poster—ipinakita ng bawat kalahok ang kanilang galing at dedikasyon. Ang kanilang pagtatanghal ay hindi lamang aliw at sigla ang hatid, kundi nagsilbing patunay na ang Wikang Filipino ay tunay na yaman ng ating kultura at sagisag ng pagkakaisa ng sambayanan.
Higit pa sa isang buwanang selebrasyon, ang Agosto ay naging pagtatanghal ng ating kasaysayan, paniniwala, at pagkakakilanlan. Sa temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” naging paalala ang selebrasyon na ang wika ay hindi lamang midyum ng komunikasyon kundi haligi ng pambansang pagkakaisa at salamin ng ating pagka-Pilipino. Ang matagumpay na programa ay pinangunahan ng Departamentong Filipino sa pamumuno ni Gng. Michelle Timbol, katuwang ang suporta ng punong-g**o na si Dr. Lilybeth B. Policarpio, G. Rodelio Quiambao (Assistant Principal), at ang masigasig na mga g**o ng SCIS. Sa kanilang pamumuno at paggabay, higit pang umigting ang diwa ng pagdiriwang.
Sa pagtatapos ng makabuluhan at makulay na selebrasyon, muling pinatunayan ng mga Cristonioans na ang wika ay buhay—na sa bawat tula, awit, galaw, at sining ay naipadama ang tunay na pagkakaisa. Sa sama-samang lakas ng mga mag-aaral at g**o, naitaguyod ang iisang mithiin: ang patuloy na pagpapahalaga, paggamit, at pagmamahal sa sariling wika at kulturang Pilipino.