28/10/2025                                                                            
                                    
                                                                            
                                            Hinimok ni Tarlac City Mayor Susan Yap noong Martes ang Commission on Elections (Comelec) na igalang ang kalooban ng mga botante habang kanyang tinutulan ang mga paratang na nagresulta sa kanyang pagkaalis sa puwesto.
Naglabas ng pahayag si Yap matapos baligtarin ng Comelec en banc ang naunang desisyon na nagbasura sa kasong diskwalipikasyon laban sa kanya, na nagresulta sa pagbabasura ng kanyang kandidatura sa lokal na halalan sa 2025 at sa pagkawalang-bisa ng kanyang proklamasyon. Binanggit sa desisyon na nabigo umano si Yap na patunayan ang kanyang legal na paninirahan sa Barangay Tibag, Tarlac City, gaya ng hinihingi ng batas.
Gayunman, binigyang-diin ni Yap na ang pagbabaliktad ng Comelec ay maaaring makasira sa mga prinsipyo ng demokrasya at Konstitusyon. “Dapat igalang ng Comelec ang kalooban ng taumbayan,” aniya. “Kung hindi ito maitama, mauuwi ito sa pag-agaw ng karapatan ng mga botanteng Pilipino. Isa itong matinding dagok sa isang batayan, pangunahing, at konstitusyunal na karapatang pantao — ang karapatan ng mga mamamayan na pumili ng kanilang mga pinuno,” dagdag pa niya.
Si Yap — na nakapagsilbi na bilang alkalde ng Tarlac sa loob ng siyam na taon — ay mariin ding pinasinungalingan ang batayan ng desisyon, at iginiit na may mga dokumento, ID, larawan, at mga sinumpaang salaysay na magpapatunay na naninirahan siya sa Tarlac City mula pa noong 2014.
Binigyang-diin din niya na walang kahit isang opisyal ng Comelec ang nagsagawa ng ocular inspection sa kanilang tahanan, na ayon sa mga petisyoner ay mukhang bodega umano kaysa tirahan. “Oo, may bodega sa loob ng aming tahanan, ngunit may ganap na maayos at ginagamit na espasyo rin doon para tirahan. Bukas ito para sa inspeksyon anumang oras — ikalulugod kong personal na ipasyal kayo sa aming bahay,” pahayag ni Yap.
Ipinangako rin ni Yap na gagamitin niya ang lahat ng legal na paraan upang tutulan ang desisyon ng Comelec, at idinagdag na mananatili siyang nakatuon sa kanyang tungkulin bilang alkalde ng Tarlac City habang nagpapatuloy ang mga legal na proseso. “Maaaring subukan nilang dungisan ang aking pangalan, ngunit hindi nila kayang agawin ang aking malasakit sa Tarlac City. Ang aking pangako ay mananatili: maglilingkod ako nang buong puso — tapat, totoo, at para sa taumbayan,” ani Yap.
Samantala, nagpahayag din ng suporta kay Yap ang League of Municipalities–Tarlac Chapter. “[Kami ay] matibay na naniniwala na ang soberanong kalooban ng mamamayan, na ipinahayag sa pamamagitan ng balota, ang pinakamataas at tunay na anyo ng demokratikong pagpili, at ang pagbabaligtad sa mandatong ito dahil lamang sa teknikalidad ay sumisira sa mismong diwa ng ating demokratikong proseso at nagkakait sa mga botante ng kanilang karapatan,” ayon sa pahayag ng Tarlac chapter.
Nanawagan din sila sa Comelec na “muliling pag-isipan ang desisyon at bigyang-prayoridad ang soberanong kalooban ng mamamayan ng Tarlac City upang matiyak na ang kanilang mga boto ay igagalang, poprotektahan, at pararangalan.”