20/08/2025
🕊️ First Death Anniversary 🕯️
Mama Welvie Pejoro 🌹
Isang taon na ang lumipas mula nang mamaalam ka sa amin, Ma. Hanggang ngayon, hindi pa rin ganun kadaling tanggapin na wala ka na sa piling namin. Ang dami-dami pang kwento, yakap, at salitang “mahal kita” na gusto naming ibigay sayo.
Naalala ko pa noong una kong dinala si Angeline sa bahay yung girlfriend ko. Humingi ako ng pahintulot sayo kung pwede siyang makitira muna sa atin dahil sa sitwasyon niya. Hindi mo kami pinahiya, Ma. Tinanggap mo siya ng buong puso. Naging tahanan siya sa bahay natin, at naging ina ka rin sa kanya. Simula pa lang, ramdam na namin ang pagmamahal mo.
Noong umuwi ka mula abroad noong 2016, akala namin magbabakasyon ka lang. Pero sinabi mo sa amin ni Kuya John Rey Catipay Pejoro ang totoo may sakit kang cancer. Masakit, nakakagulantang, at hindi namin alam kung paano haharapin. Pero ikaw pa rin ang nagpapalakas sa amin. Sabi mo, wag kaming panghinaan ng loob, na lalaban ka, na gagaling ka. At ginawa mo nga, Ma. Lumaban ka hanggang sa huli.
Alam ko, may mga pagkakataon noon na hindi tayo nagkaintindihan. May mga salitang nasabi ako, may mga galit na lumabas. Pero hindi yun dahil hindi kita mahal kundi dahil gusto kong maramdaman ang pagmamahal mo, lalo na nung matagal kang wala. Pero nauunawaan ko na ngayon, Ma. Lahat ng ginawa mo ay para sa amin ni Kuya. Ayaw mong iparanas sa amin ang hirap na dinaanan mo. Salamat sa lahat ng sakripisyo, Ma. Wala kang katulad.
Pasensya ka na sa mga pagkukulang ko. Pero salamat dahil pinatawad mo ako. At sa huling yugto ng buhay mo, hindi ka namin iniwan. Si Ma Angeline Malabana ang nag-alaga sayo matapos ang operasyon mo. Ako naman ang nagbantay sa tindahan para may pantustos tayo sa gastusin. Yung ipon naming magkasintahan, inilaan namin lahat para sa gamutan mo dahil ikaw ang nagturo sa amin kung paano magsikap at magnegosyo. Walang pagsisisi, Ma. Mahal ka namin.
Sa mga huling sandali mo, kahit nahihirapan ka na, ramdam pa rin namin ang pagmamahal mo. Si Kuya umuwi para makasama ka. Pati mga kapatid mo, pinilit kang makita, madalaw, masamahan. Salamat sa lahat ng tumulong at umalalay sa atin lalo na kina Tito, Tita, at kay Kuya Rofer Moore na hindi kami iniwan hanggang dulo. Hindi namin makakalimutan ang kabutihan nyo.
Ma, ngayon na isang taon ka nang wala, wala pa ring araw na hindi ka namin naiisip. Miss na miss ka na namin. Pero naniniwala ako na masaya ka na kasama si Papa, at magkasama kayong nagbabantay sa amin ni Kuya, pati kay Angeline at sa buong pamilya.
Gabayan nyo po kami, Ma. Patuloy nyo kaming palakasin at protektahan. Mahal na mahal ka namin, at habang buhay kang mananatili sa puso namin.
I love you, Mama Welvie Pejoro . Hindi kita malilimutan. 🕊️🕯️🌹