19/10/2025
Oh ano.. syempre ipag tanggol ni Bosita mga Violator fans nya. Takbo sa check point, tapos iyak pag hinabol.
ENFORCER SA VIRAL VIDEO, NASA HOT PURSUIT AT HINDI NAGBABAHAY-BAHAY— LTO MIMAROPA
Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) MIMAROPA Region, sa pamumuno ni Regional Director Atty. Esteban M. Baltazar, Jr., CESO V, ang kumakalat na post sa social media na may kaugnayan sa isang law enforcement operation na isinagawa ng LTO MIMAROPA Regional Enforcement Team sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ang LTO law enforcer na nakuhanan sa naturang viral video ay kasalukuyang nasa hot pursuit operation laban sa dalawang motorcycle rider na nagtangkang umiwas habang isinasagawa ang regular na inspeksyon sa kalsada. Ang mga nasabing motorista ay pina-flag down upang masuri ang kanilang driver’s license, rehistro ng sasakyan, at plaka, kung kinakailangang palitan o kung wala pa itong naibibigay na plate number.
Nilinaw din ng LTO MIMAROPA Region na walang Temporary Operator’s Permit (TOP) na inisyu sa mga tumakas na motorista. Ang kilos ng enforcer sa video — na inakala ng ilan na nagsusulat sa TOP — ay sa katunayan ay nagtatala ng mahahalagang detalye ng tumakas na dalwang motorcycle rider.
Ang lugar kung saan kinunan ang video ay malapit lamang sa pinangyarihan ng unang paghahabol, dahilan kung bakit mabilis na nakarating doon ang enforcer.
Ang nasabing law enforcer ay mahigpit na sumunod sa itinakdang proseso ng pagpapatupad ng batas trapiko. Dahil tumakas ang mga motorista, hindi siya nag-isyu ng anumang TOP, sapagkat hindi pinahihintulutan ng batas ang pag-isyu nito kung wala ang mismong violator.
Sa kabila ng pangyayari, napanatili ng enforcer ang pagiging mahinahon, propesyonal, at maayos sa pagganap ng kanyang tungkulin.
Ang ginawang pagtatala ng enforcer ay bahagi ng opisyal na dokumentasyon na maaaring gamitin para sa paglalabas ng Show Cause Order (SCO) o sa karagdagang imbestigasyon upang matukoy at mahanap ang mga tumakas na motorista, na posibleng nagmamaneho ng hindi rehistradong motorsiklo o walang wastong lisensya.
Binigyang-diin din ng LTO MIMAROPA Region na hindi nagbabahay-bahay ang mga LTO enforcer upang manghuli ng mga violators, taliwas sa mga maling impormasyong kumakalat sa social media.
Ang law enforcement operations ng LTO ay isinasagawa lamang sa mga itinalagang lugar gaya ng mga pangunahing lansangan, highway, at checkpoint, alinsunod sa standard operating procedures.
Ang ganitong uri ng paghahabol sa mga umiiwas na motorista ay lehitimong bahagi ng operasyon ng LTO upang mapanatili ang disiplina, pananagutan, at kaligtasan sa kalsada. Layunin nitong tiyakin na ang mga lumalabag sa batas trapiko ay hindi makaiiwas sa pananagutan at upang mapangalagaan ang kapakanan ng publiko.
Nanawagan din ang LTO MIMAROPA Region sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon sa social media, lalo na kung ito ay makasisira sa reputasyon ng mga enforcer na tapat at propesyonal na tumutupad sa kanilang tungkulin.
Nanatiling nakatuon ang LTO MIMAROPA Region sa makatarungan, maayos, at propesyonal na serbisyo publiko, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas accessible, transparent, credible, at safe na serbisyo ng pamahalaan para sa lahat ng mamamayan.
Alinsunod din ito sa mandato ng Department of Transportation (DOTr) at LTO na pinamumunuan nina DOTr Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao at LTO Executive Director Greg G. Pua Jr., na patuloy na nagsusulong ng road safety initiatives at mga programang layuning tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.
Ang LTO MIMAROPA Region ay muling nagpapaalala sa publiko na ang disiplina at kooperasyon ng bawat motorista ay susi sa isang maayos at ligtas na kalsada para sa lahat., batay sa press release ng LTO MIMAROPA.