11/01/2023
BAKUNAWA
PAGLALARAWAN
Itinuturing dragon, o isang malaking serpyente ng dagat, ang Bakunawa ay pinaniniwalaang kumakain ng mga buwan nanagdudulot sa isang eklipse. Ang bakunawa ay inilalarawang mayroong bibig sin laki ng lawa, isang pulang dila, balbas, hasang at apat na pakpak, isang pares na malaki at kulay-abo, habang ang isang pares ay maliit.
MGA ALAMAT NG BAKUNAWA
Noong unang panahon, naniniwala ang mga sinaunang Pilipino na lumikha si Bathala ng pitong buwan upang paliwanagan ang gabi. Ang Bakunawa, na napapahanga sa kagandahan at karikitan ng mga buwan, ay uusbong mula sa karagatan upang kainin ang mga buwan, kaya’t nagalit si Bathala, at sila’y naging magkaaway.
Upang takutin ang Bakunawa, ayon sa iba, ang mga Pilipino ay gumagawa ng ingay upang takutin ito. Mayroon ding nagsasabi na tumutugtog ang mga Pilipino ng nakapapawing musika, sa ganap nap ag-asang matutulog ang Bakunawa.
May mga iba ring nagsasabi na mayroong kapatid na babae ang Bakunawa, isang pagong. Ang pagong ay dumadalaw sa iba’t ibang mga isla ng Pilipinas upang maglaan ng mga itlog. Ngunit nalaman ng mga Pilipino na pagkatapos bumangon ang pagong sa mga isla, tumataas ang tubig ng dagat at lumiliit ang kanilang mga isla. Dahil dito, ginawa nilang mapatay ang pagong, na nagdulot sa pagkagalit ng Bakunawa. Dahil dito, nagawa nitong makain ang mga buwan, at nang humingi ng tulong ang mga tao, isinaad ni Bathala ang paraang makakapag-alis sa Bakunawa, ang paggawa ng ingay.
Isa pang naging alamat ng Bakunawa ay nang sito raw ay umibig sa isang babae ng isa sa mga tribo. Nang malaman ng pinuno ng tribo ito, pinasunog niya ang bahay hanggang abo nalang ang matira. Dahil ditto, nagalit ang Bakunawa at tinangka niyang kainin ang lahat ng mga buwan bilang ganti. Nang malapit na niyang kainin ang huling buwan, lumabas si Bathala at itinapon niya ang Bakunawa sa isang lugar malayo sa kaniyang tahanang dagat. Ang eklipse raw ay dahil muling sinusubukan ng bakunawa kainin ang huling buwan.
KAHALAGAHAN
Ang mga alamat ng Bakunawa ay nagpapakita kung paano ng mga sinaunang Pilipino binigyan ng kahuluguhan ang mga pangyayari sa kanilang paligid. Sa paggamit ng kanilang malikhain mga isip, nagawa nilang makapag-isip ng isang kawili-wiling alamat na sumasagot sa kanilang mga tanong.