19/01/2025
FSES Agtutubo, muling sumubok at lumahok sa DSPC 2025
Muli nanamang sumubok at lumahok ang mga manunulat ng Francia Sur Elementary School (FSES) Agtutubo sa Division Schools Press Conference (DSPC) 2025 na idinaos sa San Juan Central School, San Juan, La Union noong Enero 16, 2025.
Sa patnugot ng kanilang mga tagapagsanay na sina G. Marc Kleine V. Aspuria, Gng. Helen P. Balagot at Gng. Ma Teresa G. Panau, muling nakatungtong ang FSES Agtutubo sa DSPC 2025, isang taon matapos ang kanilang mahigpit na laban sa parehong kompetisyon. Nagbigay rin ng maalab na suporta ang punong-g**o ng paaralan na si Gng. Vilma P. Padilla, pati na rin ang mga mag-aaral at g**o ng FSES.
Ayon sa mga manunulat ng FSES Agtutubo, sila daw ay pumunta roon na walang mataas na ekspektasyon na mananalo, dahil kapag umasa sila ng sobra, mas masakit kapag hindi ito matupad.
"Sa bawat minutong aming paghihintay para sa inaasahang paglabas ng resulta ng DSPC 2025 at hanggang ngayon, nananatili pa rin kaming matiyagang umaasa na ang aming pagsisikap at dedikasyon sa pagsasanay ay magbubunga ng tagumpay at hangaring magdadala sa amin sa Regional Schools Press Conference 2025 (RSPC) na gaganapin sa Dagupan City," ani Justine Milan.
"Hindi man madali ang aming pinagdaanan sa paghahanda sa 2nd DPC at DSPC 2025, nanatili kaming matatag at masigasig sa aming layunin maipakita ang husay at talento ng FSES sa larangan ng pamamahayag. Sa bawat hamon at pagkukulang, nagsilbing inspirasyon saamin ang suporta ng aming paaralan at mga tagapagsanay", ani Brisabelle K. Panay.
Naging isang makabuluhang karanasan para sa mga manunulat ng FSES ang Division School Press Conference 2025, hindi lamang para palawakin ang
kanilang kaalaman at kakayahan, kundi pati na rin sa pagpapalawak ng kanilang pagkatao bilang mga kabataang mamamahayag. Buong puso nilang tinanggap ang bawat leksyon at pagkakamali na natutunan habang sila ay nagsasanay at baon ang pag-asa para sa susunod pang mga kompetisyon.
Sa pagtatapos ng patimpalak, ang mga mamamahayag ay nananatiling inspirasyon sa kanilang paaralan at patuloy na maghahanda upang muling makipagsapalaran sa mga darating na kompetisyon, dala ang mga natutunan sa kanilang mga tagapagsanay at hangaring magtagumpay at magbigay ng karangalan sa kanilang paaralan