23/10/2025
Sen. Escudero: Mamamayan at LGU dapat may boses sa infra projects
Iginiit ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, panahon na para tapusin ang mga tinatawag niyang “arbitrary insertions” o mga proyektong bigla na lang lumilitaw sa budget nang walang sapat na konsultasyon o pagsusuri.
Ayon kay Escudero, karamihan sa mga katiwalian ay nagsisimula sa mga proyektong ipinasok sa budget nang walang basbas ng mga lokal na konseho o pagsusuri ng mga ahensiya.
Bilang solusyon, inihain ni Escudero ang Grassroots Infrastructure Planning and Budgeting Act, na layong gawing requirement ang pag-endorso ng mga lokal na konseho bago maisama ang proyekto sa National Expenditure Program (NEP).
Sa ilalim ng panukalang batas, hindi maaaring maisama sa national budget o mailabas ng Department of Budget and Management ang pondo kung walang pormal na pag-endorso mula sa Regional o Local Development Councils.
Umaasa si Escudero na susuportahan ng kapwa niya mambabatas ang panukala upang matigil na ang mga ghost at substandard projects, at masiguro na ang bawat pisong buwis ng taumbayan ay mapupunta sa mga proyektong tunay na kailangan ng mamamayan.