22/10/2025
Peace Secretary Galvez, binigyang pugay ang mga mahahalagang ambag ng mga Oblates priests sa pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao
BINIGYANG PUGAY ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU Secretary Carlito Galvez, Jr. ang mga pari na kasapi ng Oblates of Mary Immaculate o OMI dahil sa kanilang mahalagang ambag sa pagtataguyod ng kapayapaan, interfaith dialogue, at social transformation sa Mindanao.
Si Galvez ay keynote speaker sa OMI na annual assembly na ginanap sa Kidapawan City nitong Martes.
Sa kanyang presentation, kinilala ni Galvez ang “mahaba at matapang na paglilingkod” ng mga misyonero ng OMI sa mga lugar na matagal nang apektado ng sigalot, mula Jolo at Tawi-Tawi hanggang Cotabato at Maguindanao.
Sa mga lugar na ito, patuloy silang nagsusulong ng kultura ng kapayapaan sa kabila ng matitinding hamon.
Binanggit din ni Galvez na malaki ang naging papel ng OMI sa pagbubuo ng mga henerasyon ng peacebuilders at pagtulong sa mga komunidad na mapaglabanan ang takot, galit, at pagkakahati-hati.
Ang OMI ay palaging nasa unahan ng pagkakasundo, ayon kay Galvez na nagsalita sa harap ng mahigit 80 kasapi ng kongregasyon.
Dagdag pa ng peace secretary, naitawid ng OMI ang magkakaibang pananampalataya, kultura, at kasaysayan, patunay aniya na ang kapayapaan ay hindi lang pangarap kundi araw-araw na desisyong nakaugat sa malasakit at tapang.
Samantala, nagpasalamat naman si OMI Provincial Superior Fr. Gerry Gamaliel delos Reyes, kay Sec. Galvez sa pagbibigay ng isang “tapat at matapang na pagninilay” sa mga kasalukuyang suliraning panlipunan at pampulitika ng bansa.
Ayon kay Delos Reyes, ang mensahe ni Galvez ay isang paanyaya para gawing hindi lamang slogan ang moral recovery, kundi araw-araw na panata, na hubugin ang konsensya, maging huwaran ng integridad, at muling buhayin ang tiwala sa mga komunidad.
Dagdag pa ni Fr. Delos Reyes, ang tungkulin ng mga misyonero ng OMI ay mga tanda ng pag-asa at katapatan sa gitna ng sirang sistema.
via OPAPRU