14/07/2025
"Ma, anong niluluto mo?"
"Ma, kumain ka na ba?"
"Ma, saan mo nilagay 'yung gamit ko?"
"Ma, alis lang po ako."
"Ma, may pera ka?"
"Ma, tara, alis tayo!"
"Ma, anong gusto mo?"
"Ma, saan ka pupunta?"
"Ma, samahan mo ako, ha?"
"Ma, pasok na po ako."
Ilan lang ito sa mga simpleng tanong o salitang madalas nating binibigkas araw-araw. Minsan, pabiro. Minsan, walang gana. Minsan, may kaunting inis. Pero darating ang panahon hindi mo na ito mababanggit muli. Hindi mo na siya matatawag. Hindi mo na siya maririnig sumagot. Hindi mo na siya makikita sa kusina, sa sala, sa hapag, sa bintana… sa kahit saan.
Mawawala siya.
At kapag nangyari na 'yon, may puwang sa puso mo na hindi kayang punan ng kahit sino. Bigla mong mami-miss ‘yung sigaw niya tuwing umaga na dati’y kinaiinisan mo. Yung tawag niya habang abala ka sa cellphone at sinasaway ka dahil hindi ka tumutulong. Yung sermon niya tuwing late ka umuwi. Yung paulit-ulit niyang paalala kahit ang babaw para sa’yo dati. Lahat ng 'yon na dati mo lang dinaanan at binalewala, biglang magiging mahahalagang alaala na hindi mo na mababalikan.
Ang nanay, siya ‘yung una mong kakampi sa mundo. Siya ang unang yumakap, unang umiyak para sa'yo, unang nagdasal para sa’yo. Siya rin ang unang nagsakripisyo, ang nagpaubaya ng sarili niyang mga pangarap para tuparin ang sa'yo. Kahit pagod na, pipilitin niyang magluto. Kahit wala nang pera, hahanap ng paraan. Kahit may sakit, hindi magpapahinga. At kahit nasasaktan, ngingiti pa rin para hindi mo mapansin.
Hindi permanente ang buhay. Wala sa'tin ang may kontrol kung kailan tatapos ang pagkakataon nating makasama ang mga mahal natin. Kaya habang nariyan pa siya, yakapin mo. Sabihin mo kung gaano mo siya kamahal. Iparamdam mo araw-araw na mahalaga siya. Dahil hindi mo gugustuhing dumating ang araw na gusto mong sabihin ang lahat ng 'yon, pero wala na siyang kakayahang makinig.
Kapag wala na si Mama, magigising ka na hindi dahil sa tawag niya kundi dahil sa katahimikan. Wala na ang boses niyang nagtatanong kung kumain ka na. Wala na ang amoy ng paborito mong ulam sa kusina. Wala ka nang malalapitan kapag gulong-gulo ang isip mo. Wala na ‘yung mainit na yakap na kayang takpan lahat ng takot mo. Wala na ‘yung simpleng boses na nagsasabing, "Anak, kaya mo 'yan."
At kapag nawala na siya, sa bawat sulok ng bahay ay makikita mo ang alaala niya. Sa damit niyang nakasampay. Sa tasa niyang may bitak. Sa tinig na paulit-ulit mong maririnig sa loob ng isip mo.
Kaya kung nababasa mo ito ngayon at buhay pa ang Mama mo, yakapin mo siya. Tawagin mo. Pasalamatan mo. Patawarin mo kung may tampo ka. Ipaglaban mo ang oras para sa kanya.
Dahil sa huli, hindi ang yaman o tagumpay ang susukat sa buhay mo kundi kung paano mo minahal at pinahalagahan ang taong nagbigay sa’yo ng buhay. Walang katumbas ang pagmamahal ng isang ina. Wala ring katumbas ang pagkawala niya.
At sana, hindi ka magsisi sa huli. Sana, habang may oras pa, maiparamdam mo kung gaano ka niya kahalaga 😥💔