09/10/2025
Isang Bukas na Liham para sa Bagong Ombudsman, Boying Remulla
Ginoong Ombudsman Boying Remulla,
Sa bagong yugto ng iyong panunungkulan, isang panawagan ang nais kong iparating panahon na upang habulin at papanagutin ang mga trolls at tagapakalat ng fake news na patuloy na nilalason ang isip ng sambayanang Pilipino.
Araw-araw, binabaha ang social media ng kasinungalingan mga pekeng balita, manipuladong larawan, at mga gawa-gawang kwento na ginagamit upang manira ng reputasyon, maghasik ng galit, at maglayo-layo ang mga Pilipino. Sa likod ng bawat post na puno ng paninira, may mga taong kumikita, at may mga interes na pinoprotektahan. Hindi ito simpleng “freedom of expression,” kundi organisadong disinformation na sumisira sa pundasyon ng demokrasya at tiwala ng mamamayan.
Ombudsman Remulla, hindi maikakaila na ang fake news ay naging sandata ng mga makapangyarihan upang takpan ang katiwalian at siraan ang mga nagsasabi ng katotohanan. Habang ang mga matitinong mamamayan ay pinapatahimik, ang mga troll farms naman ay lumalago parang kabuteng na sumisibol tuwing may isyung kailangang pagtakpan.
Kung tunay na hangarin mong linisin ang gobyerno at ibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon, simulan sa digital na larangan sa mga lihim na network ng trolls na nagtatago sa likod ng pekeng pangalan at pekeng moralidad. Ang mga ito ay hindi lamang nuisance online; sila ay bahagi ng isang sistematikong problema na bumubura sa linya ng tama at mali, totoo at kasinungalingan.
Ginoong Ombudsman, hinihingi ng bayan ang aksyon.
Hindi sapat ang pananahimik o pangakong mababaw. Ang taumbayan ay pagod na sa panlilinlang. Gusto namin ng hustisya hindi lang sa korte, kundi pati sa digital space kung saan araw-araw binabato ng kasinungalingan ang katotohanan.
Nawa’y maging unang hakbang ng iyong pamumuno ang pagbasag sa katahimikan laban sa troll machinery. Ipakita mo na ang batas ay hindi bulag sa mga nangyayari sa social media, at na ang paninira, panlilinlang, at pekeng impormasyon ay may kaparusahan.
Ang katotohanan ay hindi dapat ipagtanggol lamang ito ay dapat ipaglaban.
Lubos na gumagalang,
Isang mamamayang pagod na sa fake news at kasinungalingan.
Senate of the Philippines House of Representatives of the Philippines
🇵🇭