18/10/2025
“BAWASAN NATIN ANG MGA MAGNANAKAW”
Yan ang tugon ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa babala ni Finance Secretary Ralph Recto kaugnay sa plano ng Kongreso na ibaba sa 10% ang kasalukuyang 12% Value Added Tax (VAT).
Sa halip na ibaling ang takot sa pagbaba ng revenue, iginiit ni Barzaga na ang mas dapat tutukan ay ang matinding korapsyon sa gobyerno na siyang tunay na ugat ng pagkakautang ng bansa.
“Bawasan natin ang mga magnanakaw sa gobyerno para di na natin kailangang mangutang at para pwede na rin nating tanggalin ang VAT mo!” ani Barzaga,
Ang sagot ay reaksiyon sa pahayag ni Recto sa Senate hearing noong Oktubre 15:
“Kung magbabawas pa tayo ng revenue, baka pati ang current operating expenses natin uutangin na rin natin.”
Ngunit para kay Barzaga, hindi dapat gamitin ang utang bilang panakot upang pigilan ang VAT rollback, lalo na’t hindi buwis kundi kurapsyon umano ang dahilan ng kakulangan sa pondo.
Matatandaang maraming netizens ang nananawagan ng tax holiday at VAT reduction matapos mabunyag ang mga anomalya sa flood control funds. Ayon sa taumbayan, kung ang buwis ay winawaldas lang ng tiwaling opisyal, mas mainam pa raw na huwag na silang magbayad.