02/03/2025
[ 𝐋𝐀𝐓𝐇𝐀𝐋𝐀𝐈𝐍 ]
𝗞𝘂𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮 𝗸𝗮𝗻𝗹𝘂𝗻𝗴𝗮𝗻:
𝗔𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗽𝗼𝘀 𝗻𝗮 𝗲𝘀𝘁𝗮𝗱𝗼 𝗻𝗴 𝗲𝘃𝗮𝗰𝘂𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗰𝗲𝗻𝘁𝗲𝗿𝘀 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗺𝗮𝘆𝗻𝗶𝗹𝗮𝗮𝗻
𝘯𝘪 𝘔𝘦𝘳𝘤𝘦𝘭𝘢 𝘑𝘰𝘺 𝘈𝘭𝘭𝘰𝘴𝘢 𝘢𝘵 𝘚𝘩𝘦𝘳𝘳𝘪 𝘔𝘢𝘦 𝘍𝘦𝘳𝘯𝘢𝘯𝘥𝘦𝘻
Isang dekada na ang lumipas mula nang manalasa ang Super Typhoon Yolanda sa Pilipinas, ngunit ipinakikita ng pinakabagong datos mula sa Office of Civil Defense (OCD) noong Disyembre 2024 ang isang nakababahalang katotohanan: ang Metro Manila ay patuloy na nahihirapan dahil sa kakulangan ng mga itinalagang evacuation center. Dahil dito, marami ang napipilitang sumilong sa pansamantalang tirahan tuwing may sakuna.
Upang tugunan ang problemang ito, naghain ng mga panukalang batas ang mga mambabatas upang magtayo ng evacuation center sa bawat barangay sa Pilipinas. Ang pinakabago rito ay ang Senate Bill No. 2451, bilang kapalit ng Senate Bills 193, 940, 1200, 1652, 2085, at 2143. Gayunman, nahaharap ito sa mga hadlang sa institusyon at pananalapi, na pumipigil sa ganap nitong pagsasabatas.
𝗞𝗮𝗸𝘂𝗹𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝘀𝗶𝗹𝘂𝗻𝗴𝗮𝗻
Ayon sa datos ng OCD, tanging 1,109 evacuation center lamang ang maaaring magbigay ng matitirhan sa mga biktima ng sakuna sa rehiyon ng Metro Manila. Karamihan sa mga pansamantalang silungan na ito ay mga paaralan at tanggapan ng gobyerno. Ang mga nakalaang evacuation center ay bumubuo lamang ng maliit na bahagi ng kabuuang bilang ng mga pasilidad.
Ang kakulangan ng evacuation center ay pinalalala pa ng mababang absorptive capacity (AC) ng mga ito, kaya’t mahirap nitong mapagkasya ang malaking populasyon sa bawat lalawigan. Ayon sa datos ng OCD, lahat ng evacuation center sa Metro Manila ay may napakaliit na AC kung ihahambing sa populasyon ng kani-kanilang lalawigan (tingnan ang infographics 1).
Halimbawa nito ang kabisera ng Metro Manila na City of Manila kung saan 498 katao ang kailangan magsiksikan sa espasyong nakalaan sa iisang indibidwal para lamang mapagkasya ang populasyon ng Manila sa harap ng sakuna.
Upang ma-accommodate ang buong populasyon ng 16 na lalawigan sa mga evacuation center na ito, kailangan namang magsiksikan ang 48 katao sa isang espasyong dinisenyo lamang para sa isa.
Ang mga lalawigang nasa tabing-dagat, na mas mataas ang tsansa ng pagbaha sa oras ng bagyo, tulad ng Navotas ay may kaunting bilang lamang ng mga evacuation center (tingnan ang infographics 2).
Sa kaso ng Taguig, kulang ang datos ng OCD hinggil sa AC ng bawat evacuation centers. Ayon sa International Society of Photogrammetry and Remote Sensing, dagok sa mga lungsod at mga sangay ng pamahalaan ang hindi kumpletong bilang ng mga evacuation center sa Metro Manila kaya’t hindi madaling tukuyin ang bilang ng mga evacution center na maaaring gamitin sa oras ng kalamidad.
𝗜𝘀𝘁𝗿𝘂𝗸𝘁𝘂𝗿𝗮𝗹 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗵𝗶𝗵𝗶𝗴𝗽𝗶𝘁
Dagdag na pahirap sa kakulangan sa evacuation center ang 15-araw na limitasyon na ipinataw ni dating Kalihim ng Edukasyon at Bise Presidente Sara Duterte sa paggamit ng mga paaralan bilang silungan ng mga evacuee tuwing may kalamidad. Ang nonpermanent status ng pasilidad tulad ng mga paaralan ay nagdudulot pa ng mas limitadong espasyo para sa mga evacuee sa rehiyon kaysa sa inaasahan.
“Tayo ay nagbigay na rin ng posisyon na sana ay talagang hindi na magamit ang ating mga paaralan bilang evacuation centers dahil nga talagang hindi maiiwasan minsan na tumatagal ang stay at nagha-hamper talaga, nagkakaroon talaga ng learning disruption,” ayon kay ex-DepEd spokesperson Michael Poa sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
Isa sa mga regulasyon na naglilimita sa paggamit ng mga paaralan bilang evacuation center ay ang Children’s Emergency Relief and Protection Act, na tahasang nagsasaad na ang mga gusali ng paaralan ay dapat gamitin lamang bilang pansamantalang silungan sa loob ng 15 araw, at ang mga klasrum ay ang huling pasilidad na pupunuin tuwing may kalamidad.
Ang pananaw na ito ay muling inulit ni DepEd Undersecretary for Governance and Field Operations Revsee Escobedo sa deliberasyon ng budget ng departamento, na nagbigay ng instruksyon sa mga lokal na pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang direktiba at huwag payagan ang mga evacuee na manatili ng higit sa tatlong araw.
Bagamat maganda ito sa papel, ang kakulangan pa rin ng mga itinalagang evacuation center ay nagiging sanhi upang magamit pa rin ng mga lokal na pamahalaan ang mga pasilidad ng paaralan tuwing may sakuna at emergency.
Maraming mambabatas na ang nagtaguyod ng isang batas na mag-uutos ng pagtatayo ng mga itinalagang evacuation center sa bawat isa sa 149 na lungsod sa bansa, ngunit wala pang batas na naipasa mula nang manalasa ang Yolanda noong 2013.
Ang kakulangan sa mga batas na nag-uutos ng pagtatayo ng evacuation center sa lahat ng lungsod ay isa sa mga dahilan ng pagsisiksikan sa 28,083 evacuation center na available sa bansa noong 2019, ayon sa isang ulat ng PhilStar.com.
Sa Metro Manila, limang evacuation center lamang ang nakalaan, kaya’t umaasa sila sa mga pasilidad ng paaralan at gobyerno, pati na rin sa mga covered courts upang matugunan ang mataas na bilang ng mga evacuee (tingnan ang infographics 3).
Isang pag-aaral noong 2023 ang nagsiwalat na higit sa 45 porsyento ng evacuation centers sa Metro Manila ay nasa mga flood-prone areas habang at 12 porsyento ay nasa loob ng 1-km buffer zone ng West Valley Fault.
‘’EC-to-population ratios were calculated for each of the 16 cities and one municipality of Metro Manila. Values range from ~3,000 to 81,000 persons per EC. Distance analysis using Thiessen Polygon shows that the ECs are not evenly distributed with proximity areas ranging from 0.0009 to 9.5 km2 . Out of the total number of mapped ECs, 392 (45%) are situated in flood-prone areas while 108 (12%) are within the 1-km buffer hazard zone of an active faultline,” mula sa ISPRS.
Wala ring orihinal na estruktura ng disenyo para sa evacuation centers at pawang mga public school buildings, covered basketball courts and public gymnasiums lamang ang nagsisilbing evacuation centers. Kaya’t ang mga lokasyon ng mga evacuation centers na ito ay hindi batay sa mga salik na may kinalaman sa disaster risk reduction at management, kundi sa halip ay nakasalalay sa lokasyon ng mga umiiral na pasilidad.
𝗞𝗮𝗸𝘂𝗹𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗽𝗼𝗻𝗱𝗼
Sa lokal na antas, patuloy na nahaharap sa malaking hadlang ang pagtatayo ng mga bagong evacuation facility upang mabawasan ang pinsala at pagkalugi, isang nakababahalang sitwasyon para sa isang bansang madalas tamaan ng kalamidad tulad ng Pilipinas.
Ang pagtatayo ng mga itinalagang evacuation center ay nananatiling hamon dahil hirap ang gobyerno na maipasa ang mga batas na maglalaan ng sapat na pondo para sa mga proyektong ito.
Ayon sa think-tank na Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), mabagal pa rin ang proseso ng gobyerno sa pagpapasa ng batas na popondohan ang tinatayang P33 bilyong halaga upang makapagpatayo ng sapat na evacuation center sa bawat lungsod sa bansa.
Kahit pa may nakalaang pondo, ang mga suliraning burukratiko—tulad ng mababang absorptive capacity ng Department of Public Works and Highways, o ang kakayahan nitong magamit nang buo ang badyet nito—ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa pagpapatupad ng naturang batas.
Ayon sa pagtataya ng CPBRD, aabutin ng P64.8 milyon ang pagtatayo ng isang evacuation center sa bawat lungsod. Sa labing-anim na lungsod sa rehiyon, kakailanganin ang P1.0368 bilyon upang maisakatuparan ito.
Habang patuloy na nahihirapan ang Metro Manila sa kakulangan ng evacuation center isang dekada matapos ang Yolanda, nananatiling seryosong usapin ang pagiging bulnerable ng rehiyon sa mga sakuna. Ang kakulangan ng mga itinalagang pasilidad, kasama ang mga hamon sa pondo at burukrasya, ay nagpapakita ng agarang pangangailangan para sa komprehensibong batas at epektibong pagpapatupad upang maprotektahan ang buhay ng mga nasa kalamidad-prone na lugar.
BASAHIN ANG BUONG EDISYON DITO: https://issuu.com/midyanganghudyat/docs/ang_hudyat_-_tomo_14_blg_1