17/10/2025
Aralin 3: MGA ALAALA NG BIYAYA
INTRO: Paano ninyo hinaharap ang inyong problema? Sinundan natin ngayong linggo ang mga Israelita habang sasakupin na nila ang Lupang Pangako. Ang una nilang hadlang ay ang rumaragasang ilog ng Jordan. Ang pangalawa ay ang syudad na may matibay na pader. Ano ang gagawin nyo kung kayo ang nasa kalagayan nila? Balikan natin ang ating liksyon kung paano sila nag handa sa pagharap sa problemang ito.
LINGGO: Pagtawid sa Jordan
- Bakit hiniling ng Dios sa mga Israelita na seryosohin ang paghahanda sa pagtawid sa Jordan? (Dahil imposible silang mabuhay sa rumaragasang tubig. Dios lang ang makakatulong sa kanila upang makatawid ng buhay. Kaya kailangan nilang sundin ang paraan at ang takdang panahon ng Dios.)
- Ano ang ibig sabihin ng "magpakabanal"? (Pagtatalaga sa Dios at pag-alis o pag-iwas sa kasalanan.) Sa pamamagitan nito ay ipinapakita nila ang katapatan at pagtitiwala sa Dios bilang kanilang pinuno.
LUNES: Ang Buhay na Diyos ng Himala
- Ano ang ipinapakita sa inyo ng himala ng pagtawid sa Jordan tungkol sa Diyos? (Walang imposible sa Diyos. At siya ay nakakapagligtas, hindi tulad ng mga diosdiosan ng ibang bayan.)
MARTES: Alalahanin
- Bakit hiniling ng Diyos sa mga Israelita na magtayo ng isang monumento o bantayog? (Upang maalala ng mga susunod na henerasyon ang mga ginawa ng Diyos.)
MIERKULES: Pagkalimot
- Bakit napakahalagang alalahanin ang mga ginawang himala ng Diyos? (Upang patuloy nating maalala kung saan tayo nagmula, kung sino tayo sa harap ng Diyos at kung ano ang ating layunin dito.)
HUEBES: Sa Kabila ng Jordan
- Ano ang espiritwal na kahulugan ng Ilog Jordan? (Ang rumaragasang ilog ng Jordan ay kumakatawan sa anumang bagay na humihila sa atin palayo sa Dios. Sa lakas nito ay hindi natin kayang iligtas ang sarili, malibang tulungan tayo ng Dios. Kaya kailangan natin makipag-isa sa Dios, magtiwala at maging masunurin sa Kanya upang masiguro natin ang pagtatagumpay sa pagtawid sa ating Jordan.)
SUSUNOD NA LINGGO: Ang Tunggalian sa Likod ng Lahat na Tunggalian.