03/07/2025
Sa dami ng pasanin natin sa buhay ay dumadating ang puntong kahit maliit na bagay ay puwedeng na agad na magpainit ng ulo. Kapag hindi ito na kontrol ay, apektado ang ating mga relasyon, pati na rin ang ating kalusugang mental, emosyonal, at pisikal. May mga araw talagang ang daming sabay-sabay na problema tulad ng bayarin, trabaho, karamdaman, pamilya, at hindi pagkakaintindihan.
Ang pagiging mainitin ang ulo ay hindi lang simpleng emosyon. Isa itong babala ng ating katawan at isip na pagod na tayo. Ngunit bilang mga mananampalataya, tinatawag tayong huminto, huminga, at lumapit sa Diyos.
Sinasabi sa Kawikaan 15:18:
“Ang taong madaling magalit ay naghahasik ng kaguluhan, ngunit ang mahinahong isipan ay nagpapatahimik ng alitan.”
Paano ba dapat harapin ang init ng ulo dulot ng problema?
• Itaas mo sa panalangin, hindi sa pagsigaw.
Sa halip na ilabas sa tao ang galit, ilabas natin ito sa Diyos sa panalangin. Si Jesus mismo ay lumayo upang manalangin sa tuwing Siya’y napapagod (Lucas 5:16). Kung Siya, na Anak ng Diyos, ay kailangan ang katahimikan upang makapag isip at makapagpahinga, tayo pa kaya?
• Alamin kung ano ang talagang nagpapahirap sa iyo at isuko iyon sa Panginoon. Humingi ka ng wisdom upang makapag isip at makapag decision kung paano aayusin ang iyong kinahaharap ng pagsubok sa halip na magalit sa sarili at sa mga taong nasa paligid mo.
• Magpahinga ka. Ang katawan natin ay templo ng Banal na Espiritu (1 Corinto 6:19). Kung palagi tayong galit, tensyonado, at hindi nagpapahinga, unti-unti nitong sinisira ang ating kalusugan. Nawawalan tayo ng oportunidad na makapamuhay ng maayos.
• Humingi ka ng tulong. Hindi kahinaan ang umamin na pagod ka. May mga taong handang makinig sayo tulad ng isang kaibigan, kapamilya, at kasama sa Iglesiya. At higit sa lahat, ang Diyos ay palaging handang tumanggap sa iyo ano pa man ang iyong mga kahinaan at pinagdaraanan.
Panalangin:
Panginoon, salamat po sa Iyong Salita na nagpapatahimik at nagpapayapa sa aking puso. Inaamin ko po Panginoon, na minsan ay nagiging mainitin ang ulo ko sa dami ng problemang kinahaharap ko. Tulungan Mo akong maging kalmado, mahinahon, at may pananampalataya sa gitna ng kaguluhan. Ipaalala Mo sa akin na hindi ko kailangang akuin lahat dahil Ikaw ang Diyos na may kontrol sa lahat ng bagay at siyang may-ari sa aking buhay. Sa halip na galit, nais ko pong piliin ang kapayapaan na nagmumula sa Iyo. Amen. 💕