24/07/2025
“NAHULI AKO NG MAGULANG NG GIRLFRIEND KO… TAGA WALIS LANG PALA AKO”
Simula nang naging kami ng girlfriend ko, aminado akong nadoble talaga ang gastos ko. Hindi naman siya maluho, pero syempre, gusto ko siyang mapasaya. Linggo-linggo ang date namin, may pa-kaunti-kaunting regalo, lalo na kapag may okasyon gaya ng monthsary. Pero ang totoo, sakto lang ang sahod ko. Minsan nga, kulang pa sa sarili ko—pero hindi ko alintana, kasi masarap sa p**iramdam na makita siyang masaya.
Hanggang sa dumating yung panahon na nawalan ako ng trabaho. Ilang linggo akong walang kita, at sakto pa talaga na magmamonthsary kami. Gusto ko pa rin sana siyang sorpresahin kahit papaano. Kaya kahit isang linggo lang ang alok, tinanggap ko—magwawalis ako sa barangay namin. Oo, hindi kalakihan ang trabaho, pero kung tutuusin, malaki rin ang maiuuwi ko. Tamang-tama para makabawi ako sa mga gastusin at maituloy pa rin ang plano kong simpleng sorpresa para sa kanya.
Hindi ko sinabi ‘to sa kanya. Wala naman akong ginagawang masama, pero sa loob-loob ko, baka kasi ma-off siya o di niya maintindihan. Siguro, gusto ko ring mapanatili yung imahe na “kaya ko,” na “maalaga akong boyfriend.”
Pangatlong araw ng pagwawalis ko, dumaan ang parents niya. Huminto sila mismo sa gilid ng kalsada, pinanood ako, tapos tinanong, “Ito ba ang trabaho mo ngayon?” Hindi na ako nagsinungaling. Sinabi ko na lang na kailangan ko lang talaga ng dagdag kita dahil gusto kong masorpresa ang anak nila.
Ngumiti lang sila at umalis. Akala ko okay lang. Akala ko naiintindihan nila.
Pero nung gabi, nag-iba na ang ihip ng hangin. Biglang hindi na ako kinakausap ng girlfriend ko. Hindi siya nagrereply, hindi tumatawag. Parang may pader. Hanggang sa malaman ko, sinabi pala ng parents niya sa kanya na “tagawalis lang pala” ako. Hindi ko alam kung anong tono, pero sa kwento niya, parang may panghuhusga. Parang ikinahiya nila ako. At mas masakit, parang ikinahiya niya rin ako.
Sinabihan pa raw siya ng parents niya na itigil ko na raw ‘yung ginagawa ko, baka may ibang makakita pa. Parang mas importante pa yung imahe nila sa ibang tao kaysa sa dahilan kung bakit ko ginagawa ‘yon.
Sobrang sakit, to be honest. Hindi ako tamad. Hindi ako masamang tao. Hindi ako umaasa sa iba. Wala akong tinatapakan. Ang tanging kasalanan ko lang, gusto ko lang kumita kahit papaano, para lang hindi ako maging pabigat, para mapatunayan kong kaya kong tumayong lalaki sa relasyon namin—kahit sa maliit na paraan.
Wala akong ikinakahiya sa ginagawa ko. Pero masakit, kasi ang mahal ko—at ang pamilya niya—ikinahiya ako.
Ang tanong ko ngayon, sapat ba ang pagmamahal kung kapag mahirap ka, hindi ka kayang ipaglaban? Marangal na trabaho ‘yon. Pero sa mata nila, “tagawalis lang pala.”
Kung ako lang, kakayanin ko kahit ano. Pero kung ang taong mahal mo mismo ang tumalikod dahil lang sa trabaho mo… para kanino ka pa magsusumikap?