03/12/2025
PBBM, PINARANGALAN ANG MGA NATATANGING BARANGAY; HINIKAYAT ANG IBA NA TULARAN ANG KANILANG TAGUMPAY
"Sa barangay nag-uumpisa ang serbisyong pinakamalapit sa tao."
Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules ang mga natatanging inisyatiba ng barangay sa 2025 Galing Pook Awards na ginanap sa Malacañan Palace.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng mga barangay bilang unang tumutugon sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mga komunidad.
"Nagtitipon tayo ngayon upang kilalanin ang sampung natatanging programa ng ating mga barangay... Sa barangay nagsisimula ang serbisyong pinakamalapit sa tao. Dito unang nararamdaman ng bawat mamamayan ang malasakit ng pamahalaan,” ayon sa Pangulo.
Pinuri ng Pangulo ang mga nagwagi sa kanilang kahanga-hangang trabaho sa kabila ng mga hamon, at binigyang-diin na posible ang epektibong pamamahala kapag malinaw ang layunin ng proyekto at isinasagawa nang may integridad ang mga proseso.
"Kapag malinaw ang proseso ng pamahalaan, lumalakas ang tiwala ng ating mga kababayan; kung may pananagutan, tumataas ang respeto ng mamamayan; at tuwing inuuna natin ang kapakanan ng taumbayan, sumusunod ang pag-unlad ng ating inang-bayan,” ayon sa Punong Ehekutibo.
"Ito ang kulturang nais nating ipalaganap sa pamahalaan, ganito ang serbisyo-publiko na dapat ramdam ng pamayanan: tapat, bukas, at may direksyon.”
Kabilang sa mga nagwagi sa Galing Pook ngayong taon ang Barangay 57 Dap-dap sa Legazpi City para sa muling pagsasaayos ng Macabalo River; Barangay Balulang, Cagayan de Oro City para sa kanilang BUSkwela initiative na tumutulong sa mga batang makabalik sa paaralan; Barangay Blue Ridge, Quezon City para sa Street Camps na naghahanda sa mga residente para sa lindol; at Barangay General Malvar, Santiago City para sa kanilang solar-powered program.
Kinilala rin ng Pangulo ang urban gardens at ang palit-bote-para-sa-tinapay project ng Barangay Daang Bakal, Mandaluyong City; ang clearance-with-a-checklist program ng Barangay Naggasican, Santiago City na naglalayong pataasin ang partisipasyon ng komunidad; ang community justice garden ng Barangay Pantal, Dagupan City; ang sign language training ng Barangay Tagas, Tabaco City; ang Kariton project na tumutulong sa pagresolba ng alitan ng Barangay Poblacion, South Cotabato; at ang muling pagpapasigla ng Tripa de Gallina sa pangunguna ng Barangay San Isidro, Makati City.
Ang bawat awardee ay nakatanggap ng Galing Pook Marker at PhP300,000 cash prize mula sa Department of Interior and Local Government-Local Government Academy (DILG-LGA).
Ayon sa Pangulo, bagaman magkakaiba ang mga programa, iisa ang mensahe nito: "Kapag tinutugunan natin ang pangangailangan ng tao, nagdudulot ito ng magandang pagbabago."
Hinikayat din ni Pangulong Marcos ang iba pang mga barangay na tularan ang tagumpay ng mga 2025 Outstanding Barangay initiatives upang mapatatag ang mga sistemang pangpamamahala sa buong bansa.
"Let us strive to replicate the success of these barangay initiatives on a national scale -- learning what works and strengthening the systems that uphold efficiency, participation, and transparency in government,” ayon sa Pangulo.
Nagpasalamat ang Punong Ehekutibo sa Galing Pook Foundation sa pagsusulong ng kahusayan at integridad sa pamamahala sa loob ng mahigit tatlong dekada at hinikayat ang mga nagwagi at mga finalist na ipagpatuloy ang pagbibigay ng mahusay na serbisyo sa kanilang mga komunidad.
“Huwag niyo pong kakalimutan na dapat na malaki ang pasasalamat natin sa [pagpapa-alala na ang pagbabago] at pag-unlad ay nagsisimula sa pinakamaliit na hakbang at lumalakas kapag tayo ay sama-samang kumikilos,” sinabi ng Pangulo. | PND