22/10/2025
2 MALAYSIAN NA SANGKOT SA HUMAN TRAFFICKING AT ISANG ABU SAYAF GROUP MEMBER, TIMBOG SA CIDG SA MAGKAHIWALAY NA OPERASYON!
Patuloy ang maigting na kampanya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa mga pugante at kriminal sa pamumuno ni PMGEN Robert AA Morico II, Acting Director ng CIDG, bilang tugon sa direktiba ni PLTGEN Jose Melencio C Nartatez Jr, Acting Chief ng Philippine National Police.
Sa Parañaque City, dalawang Malaysian national na sina “Hoong,” 34 anyos, at “Wai,” 30 anyos, ang arestado ng CIDG NCR–Regional Field Unit katuwang ang Foreign Liaison Section ng Intelligence Division sa magkahiwalay na operasyon sa Bradco Avenue at East Cuenco noong Oktubre 18, 2025.
Ang mga suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa Qualified Trafficking in Persons sa ilalim ng Republic Act 11862, matapos ireklamo ng isang Filipina na pinilit umanong magtrabaho bilang telesales agent at pinagbawalang makalabas ng kanilang lugar.
“Sa pagkakaaresto ng mga ito, natulungan natin ang biktima na makamit ang hustisya. Ang CIDG ay patuloy na magbibigay-proteksyon laban sa human trafficking,” ayon kay PMGEN Morico II.
Samantala, sa Basilan Province, nasakote naman ng CIDG Basilan Provincial Field Unit ang isang umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na si “Atong”, sa Barangay Tuburan Proper, Hadji Mohammad Ajul, nitong Oktubre 19, 2025.
Ang suspek ay wanted sa kasong Murder matapos barilin umano ang isang lalaki sa Zamboanga City noong 2016. Sa operasyon, nasamsam din ang isang M16 rifle, dalawang magasin, 33 bala, at isang bandolier.
“Sa pagkakahuli sa suspek at pagkakasamsam ng armas, isang mapanganib na kriminal ang natanggal sa sirkulasyon,” pahayag ni PMGEN Morico II.
Dagdag pa niya,
“Ang CIDG ay walang pinipili—lokal man o dayuhan, lahat ng lumalabag sa batas ay pananagutin. The CIDG means business!”
Courtesy: Criminal Investigation and Detection Group