06/06/2025
MAGBIGAY NG INYONG KOMENTO....
"Dear DJ Mengks,"
06/06/2025- Friday
Letter Reading
Magandang araw po sa’yo, DJ.
Ako po si Leah, 33 taong gulang, taga-Mindanao. Isa akong maybahay at may dalawang anak. Walong taon na kami ng aking asawa na si Mario. Sa hirap ng buhay, napagdesisyunan kong mangibang-bansa bilang isang domestic helper dahil hindi sapat ang kinikita ng asawa ko para sa araw-araw naming pangangailangan.
Hindi madali na iwan ang mga anak ko, pero mas gugustuhin kong tiisin ang lungkot at pagod basta’t mabigyan ko lang sila ng mas magandang kinabukasan.
---
Noong mga unang buwan ko sa Saudi, sobrang hirap talaga. Kulang sa tulog, pagod sa trabaho, palaging sinisigawan ng amo kong babae. Pero tiniis ko lahat, iniisip kong baka normal lang 'yun sa pagiging OFW.
Hanggang sa dumating ang isang pangyayaring hindi ko kailanman inaasahan isang trahedya na bumago sa buong pagkatao ko.
Ang asawa ng amo kong babae... gabi-gabi siyang pumapasok sa kwarto ko. Sa una, utos-utos lang, pakikuha ng tubig, pakilinis nito... pero habang tumatagal, naging panghaharass na. Tinatakot niya ako na isa lang daw akong Filipina, na wala akong laban, at kaya daw nila akong bayaran para mawala sa mundo.
Takot na takot ako, DJ, pero wala akong magawa kundi tiisin. Dahil tuwing sahod, wala naman silang sablay. Pero isang gabi, para bang gumuho ang mundo ko. Hindi ako makasigaw. Hindi ako makalaban. May baril siya sa ulo ko... ginahasa niya ako. Paulit-ulit niyang nilapastangan ang pagkababae ko.
Pagkatapos, binagsak niya sa harapan ko ang pera 10,000 riyal. Sabi niya, huwag daw akong magsusumbong... habang nakatutok pa rin ang baril sa akin, saka siya umalis.
Gusto kong sumigaw, DJ. Pero hindi ko magawa. Ang tanging kaya ko lang, ay ang umiyak nang tahimik. Tinawagan ko agad ang asawa ko, pero bago pa man ako makapagsalita, inunahan niya ako: "Kailangan natin ng pera, si bunso nasa ospital."
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Ang sakit sa dibdib, DJ... pero sinabi ko na lang na bukas, magpapadala ako ng pera.
Makalipas ang mga araw at linggo, napansin kong naging mabait na sa akin ang amo kong babae. Wala na rin masyadong pakialam ang asawa niya sa akin.
---
Isang buwan matapos ang insidente, iba na ang pakiramdam ko. Madalas akong nasusuka, hindi makapagtrabaho nang maayos.
Buntis ako, DJ. Buntis ako sa amo ko.
Nang malaman ng lalaki ang kalagayan ko, sinabi niya agad na umuwi na ako sa Pilipinas. Kahit masakit, wala akong nagawa kundi tanggapin ang perang inabot niya, dahil bagong padala pa lang ako sa pamilya ko noon.
Hindi ko alam kung ano ang sinabi niya sa amo kong babae, pero pag-alis ko, hindi na siya nagtanong pa. Tahimik lang.
---
Pagdating ko sa Cebu, sinalubong ako ng mahigpit na yakap ng mga anak ko at ng asawa ko. Pero napansin ko agad ang pagbabago sa kanya. Hindi na siya gaya ng dati.
Sa madaling salita, DJ... hindi niya matanggap ang pagbubuntis ko. Iniwan niya ako. At sa mga usap-usapan sa aming lugar, nalaman ko matagal na pala niya akong niloloko. Ginamit lang niya ang nangyari sa akin para tuluyan akong talikuran.
---
DJ... ano po ang dapat kong gawin?
Pagod na pagod na ako. Gusto ko nang tapusin ang lahat. Pero may mga anak pa akong umaasa sa akin.
Hindi madali maging inang walang matibay na sandigan. Hindi madaling tiisin ang lahat ng sakit na pinagdaanan ko.
Hanggang dito na lang siguro ang sulat ko, DJ. Maraming salamat po sa pagbibigay pansin sa kwento ng isang inang nangarap lamang ng magandang buhay para sa kanyang mga anak.
— Leah 💔
Pa-request po ng kantang "Kahit Konting Awa."