25/07/2025
𝟬𝟳.𝟮𝟱.𝟮𝟱. | Araw ng Malayang Pamamahayag
Bawat araw na pinipilit ang magkaroon ng katahimikan, may sigaw na hindi kayang iwasan—sigaw na dumadaan sa tinta ng panulat, tibok ng mikropono, at titig ng kamera. Ito ang sigaw ng malayang pamamahayag, na sa kabila ng pananakot, pambubusabos, at pagtatangkang patahimikin, ay patuloy na pinupukaw ang laman ng nakabaon na kasinungalingan.
Sa pagbitaw ng katotohanan, may panganib, ngunit may mas malaki pang dahilan: ang karapatang malaman, ang karapatang magsalita, at ang karapatang manindigan.
Nakaangkla sa Republic Act No. 11440. Ang araw na ito ay nagbibigay-pugay sa walang takot na boses ng mga mamamahayag. Pinarangalan din nito ang pagkakatatag ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) noong Hulyo 25, 1931—isang makasaysayang marka para sa malayang pamamahayag ng mag-aaral kaakibat sa paglaban sa censorship. Dito napatutunayan na hindi madali ang maging tinig ng katotohanan sa panahong pinapatahimik ang lahat ng sumasalungat.
Sa mga bansang pinangungunahan ng takot, ang pagkakaroon ng malayang pamamahayag ang unang binubusalan ng katotohanan. Ngunit kahit may panganib, may mga mamamahayag na hindi umaatras, may mga mamahayag na handang magbigay ng katotohanan. Itinataya nila ang seguridad, kabuhayan, at minsan ang mismong buhay, lahat para sa layuning ibunyag ang totoo at karapat-dapat. Dahil para sa kanila, ang pagiging mamamahayag ay hindi trabaho kundi panata: panatang tumindig kahit mag-isa, at magsalita kahit dinig lang ng iilan, at sumigaw kahit walang nakikinig.
Ang malayang pamamahayag ay puso ng isang demokrasya — ito ay ang esensiya ng pagbibigay ng hustisya. Kung ito'y titigil, mawawala rin ang pag-ikot ng isang malayang lipunan at walang lalabas na katotohanan. Kaya’t habang may isang mamamahayag na tumitibok, habang may tinig na lumalaban, at habang may sigaw na nagpapalaya, mananatiling buhay ang pag-asa ng bayan. Dahil ang sigaw ng katotohanan ay hindi kailanman kayang busalan ng takot — ito’y laging makakahanap ng paraan upang marinig.
-
Sulat ni Joshua Sioco
Pag-aanyo ni Sean Montivergen