
09/09/2025
Katakot naman 😂
mahilig pa naman ako sa ukay🙃
Magandang gabi po sa Kagat ng Dilim. Ako nga pala si Marissa—hindi ko po tunay na pangalan. Pero gusto ko lang talaga ibahagi itong nangyari sa akin, baka sakaling may makarelate o may makapagpaliwanag kung bakit ko ito naranasan.
Mahilig po talaga akong bumili sa ukay. Alam niyo ‘yung excitement kapag nakakita ka ng branded na damit na sobrang mura? Ganun po ako. Isang araw, may nadaanan akong maliit na ukayan, tapos may nakita akong kulay itim na dress. Ang ganda niya, simple lang pero classy. Murang-mura pa, kaya syempre binili ko na.
Pag-uwi ko, nilabhan ko agad, tapos kinabukasan sinuot ko kasi may handaan sa kakilala ko. Doon pa lang, may napansin na ang mga kaibigan ko. Ang sabi nila, “Uy Mars, ba’t parang ang bigat ng aura mo today? Parang may kakaiba ah.” Napangiti na lang ako, pero deep inside, ramdam ko rin na may kakaiba. Parang biglang ang lungkot-lungkot ko, tapos ang bigat ng dibdib ko, as in parang may nakadagan.
Kinagabihan, pag-uwi ko, doon na nagsimula. Pagpasok ko sa kwarto, biglang nanindig balahibo ko kasi may malamig na hangin na dumampi sa batok ko. Naisip ko, baka guni-guni lang. Pero pag humiga ako, amoy na amoy ko talaga—parang bulok na lupa na may halong kalawang o dugo. Eh bagong laba ‘yung damit, kaya hindi ko maipaliwanag.
Pagkagising ko kinabukasan, may mga pasa ako sa braso, parang piniga o hinawakan nang mahigpit. Sobrang kinilabutan ako kasi mag-isa lang naman ako sa bahay. Doon na ako nagsimulang kabahan, kasi tuwing napapatingin ako sa sulok ng kwarto, parang may aninong dumadaan.
Isang gabi, habang natutulog ako, bigla akong nagising kasi parang may kumakaskas sa dingding. Tapos naramdaman ko, unti-unting hinihila ‘yung kumot ko pababa. Napakapit ako nang mahigpit, at sabay pikit, dasal nang dasal. Bigla kong narinig na may humihikbi, boses ng babae na umiiyak.
Nang lakasan ko loob kong dumilat, ayun siya… nakaupo sa paanan ng k**a. Basa ang buhok niya, nakayuko, at suot niya ‘yung itim na dress na binili ko sa ukay. Hindi siya gumagalaw, pero ramdam na ramdam ko ‘yung bigat ng presensya niya. Para akong mababaliw sa takot.
Hindi ko na alam ang gagawin, pinikit ko na lang ulit mata ko at nagdasal. Nang magmulat ako, wala na siya. Kinabukasan, tinapon ko agad yung damit kahit sobrang nagagandahan talaga ako dun. Sabi ng iba, posible raw na may espiritu sa damit—lalo na kung galing ito sa taong namatay nang hindi na tahimik ang kalagayan.
Simula noon, hindi na ako bumibili ng damit sa ukay. Kasi hanggang ngayon, kahit wala na ‘yung damit, pero yung alaala nanatili pa rin talaga. Sa katunayan nga tuwing napapadaan ako sa mga ukay store di na talaga ako napasok.
At sa totoo lang, habang kinukwento ko ‘to ngayon, kinikilabutan pa rin ako. Hanggang dito nalang po, maraming salamat sa pakikinig.