
16/10/2025
Dapat Lang
🇮🇹 Sen. Erwin Tulfo Isusulong ang OFW Pension Act 🇵🇭
Gustong baguhin ni Senator Erwin Tulfo ang nakasanayang kwento ng pag-uwi ng mga OFW — mula sa “ubos-ipon” tungo sa “may seguridad sa pagtanda.” Sa ginanap na Bagong Bayani ng Mundo - OFW Serbisyo Caravan sa Milan, Italy noong Oktubre 16, binigyang-diin ni Tulfo ang halaga ng mga migranteng Pilipino at ipinakilala ang kanyang panukalang Senate Bill No. 252 o ang OFW Pension Act.
“Kung ikaw ay caretaker, kung ikaw ay house cleaner, kung ikaw ay DH, kung ikaw ay driver, kung ikaw ay gardener — basta ikaw ay isang OFW na nagtatrabaho ngayon dito, pasok ka po d’yan. Ibig sabihin, pag ikaw po ay nagpasyang umuwi sa Pilipinas, magkakaroon ka po ng pensyon, bukod pa po sa SSS,” sabi ni Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Migrant Workers.
🌍 Serbisyo na Lumalapit, Hindi Pinapalapit
Kasabay ng talumpati ni Tulfo, nagpatuloy ang Caravan sa Milan bilang ika-11 leg ng programa na pinangungunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), katuwang ang 12 government agencies at isang NGO.
Ayon kay DMW Undersecretary Dominique Rubia-Tutay, patunay ang Caravan na pinahahalagahan ng gobyerno, sa ilalim ng pamumuno ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang sakripisyo at kontribusyon ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi naman ni Agimat Party-List Rep. Bryan Revilla, Chair ng House Committee on Overseas Workers Affairs, na tuloy ang suporta sa Caravan para marating ang lahat ng kababayang Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.
💼 Alagang OWWA, Tuloy-Tuloy
Tiniyak ni OWWA Administrator Atty. Patricia Yvonne “PY” Caunan na ipagpapatuloy at palalawakin pa ng OWWA ang mga pangunahing serbisyo, kabilang ang mga OFW Lounges sa mga paliparan, bilang bahagi ng layuning “inclusive public service for all Filipinos.”