
22/01/2025
Kumakain ka ng agahan kasama ang iyong pamilya. Hindi sinasadyang natabig ng iyong anak ang tasa ng kape at tumapon ito sa iyong damit pang-opisina. Dahil dito, nagalit ka at sinermunan mo siya nang mabigat. Umiyak siya nang todo.
Pagkatapos mo siyang sermunan, hinarap mo ang iyong asawa at sinisi siya dahil inilagay niya ang tasa malapit sa gilid ng mesa. Nauwi ito sa maikling pagtatalo. Umalis ka nang padabog para magpalit ng damit sa taas. Pagbalik mo sa ibaba, nakita mong hindi natapos ng anak mo ang kanyang pagkain dahil sa kaiiyak at hindi rin siya nakapaghanda para sa eskuwela. Naiwanan siya ng bus. Kailangan nang umalis ng iyong asawa para magtrabaho, kaya ikaw ang nagmadaling maghatid sa iyong anak. Dahil late ka na, nagmaneho ka ng 80 km/h sa isang 60 km/h speed limit zone. Nahuli ka ng pulis, nagbayad ng $60 multa, at na-delay ng 15 minuto. Pagdating mo sa eskuwelahan, tumakbo ang anak mo papasok nang hindi man lang nagpaalam.
Pagdating mo sa opisina, late ka ng 30 minuto at napagtanto mong nakalimutan mo ang iyong briefcase. Masama ang simula ng araw mo at habang lumilipas ang oras, tila palala nang palala ito. Gustung-gusto mo nang umuwi. Ngunit pagdating sa bahay, naramdaman mong may lamat na sa relasyon mo sa iyong asawa at anak. Bakit? Dahil sa kung paano ka nag-react sa umaga.
Bakit naging masama ang araw mo?
A) Dahil ba sa kape?
😎 Dahil ba sa anak mo?
C) Dahil ba sa traffic policeman?
D) Dahil ba sa iyo?
Ang sagot ay D.
Wala kang kontrol sa pagtapon ng kape. Ngunit kung paano ka nag-react sa loob ng limang segundo ang nagdulot ng masamang araw mo. Heto ang dapat na nangyari:
Natapon ang kape sa iyo. Malapit nang umiyak ang anak mo. Maingat mong sinabi, "OK lang 'yan, anak. Sa susunod, maging mas maingat ka, ha?" Kumuha ka ng tuwalya, nagpalit ng damit sa taas, at kinuha ang iyong briefcase. Bumaba ka sa tamang oras para makita sa bintana na sumasakay na ang anak mo sa bus. Kumaway siya pabalik. Nagpaalam kayo ng iyong asawa nang may halik bago pumasok sa trabaho. Dumating ka nang maaga at masaya mong binati ang iyong mga kasamahan. Napansin ng boss mo na maganda ang araw mo.
Pansinin ang pagkakaiba. Parehong sitwasyon ang simula, ngunit magkaibang resulta. Bakit? Dahil sa kung paano ka nag-react.
Sa totoo lang, wala kang kontrol sa 10% ng mga nangyayari sa buhay mo. Ang natitirang 90% ay nakasalalay sa iyong reaksyon.
Narito ang ilang paraan upang ipatupad ang Prinsipyong 90/10:
Kapag may nagsabi ng negatibo tungkol sa iyo, huwag mo itong masyadong damdamin. Hayaan mong dumaan lang ito na parang tubig sa salamin. Hindi mo kailangang hayaang sirain nito ang araw mo. Ang maling reaksyon ay maaaring mauwi sa pagkawala ng kaibigan, trabaho, o labis na stress.
Paano ka magre-react kapag may biglang sumingit sa iyo sa daan? Magagalit ka ba? Magmumura? Itataas ba ang presyon ng dugo mo? Sino ang may pakialam kung mahuli ka ng sampung segundo? Bakit mo hahayaang sirain ng isang asul na sasakyan ang biyahe mo?
Tandaan ang Prinsipyong 90/10 at huwag kang mag-alala. Kung mawalan ka ng trabaho, bakit ka magpupuyat o maiinis? Lahat ng bagay ay may paraan. Ilaan ang oras at lakas sa paghahanap ng bagong trabaho.
Kung late ang eroplano at nasira ang schedule mo, bakit ka magagalit sa flight attendant? Wala siyang kontrol sa nangyayari. Gamitin ang oras para magbasa, makipagkilala sa iba pang pasahero, o mag-relax. Bakit magpapaka-stress kung mas lalo lang nitong palalalain ang sitwasyon?
Ngayon, alam mo na ang Prinsipyong 90/10. Ipatupad mo ito, at magugulat ka sa positibong resulta nito.