14/12/2025
📚 Her Last Cigarette Yesterday ni Allene Allanigue
“Hindi lang ako nakabasa—nakalanghap ako ng mga alaala, at sa pagitan ng bawat bubog ng mga karakter, doon ko rin unti-unting nakita ang sarili ko at ang paghilom.” — JsslAwra
𝘙𝘦𝘢𝘥 𝘓𝘰𝘤𝘢𝘭, 𝘙𝘦𝘷𝘪𝘦𝘸 𝘓𝘰𝘤𝘢𝘭 #88 | 𝘉𝘰𝘰𝘬 𝘙𝘦𝘷𝘪𝘦𝘸 #277 | 𝘙𝘦𝘣𝘺𝘶 𝘯𝘪 𝘑𝘴𝘴𝘭𝘈𝘸𝘳𝘢
𝐇𝐞𝐫 𝐋𝐚𝐬𝐭 𝐂𝐢𝐠𝐚𝐫𝐞𝐭𝐭𝐞 𝐘𝐞𝐬𝐭𝐞𝐫𝐝𝐚𝐲
𝐛𝐲 𝐀𝐥𝐥𝐞𝐧𝐞 𝐀𝐥𝐥𝐚𝐧𝐢𝐠𝐮𝐞
📚📚📚
Aaminin ko, kagaya ng amoy ng usok ng sigarilyo na nilalayuan ko, noong una pa lang nang dumating ang librong ito sa bahay namin at binasa ko ang book description sa likod ng cover ay nawalan na ako ng ganang basahin. Hindi ko siya type dahil hindi ako mahilig sa English novels, lalo na ‘yung may halong siyensya at mga salitang parang kailangan mo pang i-Google bago maintindihan. Hindi rin ako fan ng psychological drama dahil mas gusto ko ‘yung mga kuwentong diretso, malinaw, at hindi kailangang pag-isipan nang sobra. Kaya nang simulan ko ang Her Last Cigarette Yesterday, inihanda ko na ang sarili ko sa posibleng sakit ng ulo.
Pero nagkamali ako. Totoo.
Dahil habang binabasa ko ang mga naunang kabanata, nagustuhan ko agad kung paanong detalyadong ipinakilala ng may-akda ang bawat karakter. Hindi lang basta pangalan o papel sa istorya dahil naramdaman ko na para kang sinasabayan ng kamera na dahan-dahang lumalapit sa kanila. Ramdam mo ‘yung bawat kilos, ‘yung paraan ng pagyuko o pagtitig, pati na rin ‘yung bigat o gaan ng mga salita nila. Parang ako mismo ‘yung nasa loob ng libro dahil nakikita ko ang ayos ng buhok, suot, tangkad, at bawat galaw nilang may ibig sabihin kahit walang dayalogo. Hindi ko alam kung paano nagawa ni Ms. Allene, pero bawat karakter ay may sariling amoy ng sigarilyo na may naiibang usok, may naiibang alaala.
Hanggang sa hindi ko na namalayan, tuluy-tuloy na pala ang basa ko. At nang dumating ako sa linya ni Prof. Cari na, “I have to pick up Ane from school,” doon ako tuluyang natigilan. Ang sakit sa puso, parang sumapi sa akin si Achi habang binabasa ang bawat salita. Bigla na lang akong napaiyak. Sakto pa na ngayong October, Mental Health Awareness Month, ko ito nabasa. Mas tumama tuloy ‘yung mga tahimik na sakit, ‘yung mga eksenang tungkol sa pagbitaw, at ‘yung mga karakter na pilit pa ring lumalaban kahit pagod na gaya nina Poppy, Ylona, at Mica, bawat isa ay may nakabaong bubog.
Hindi ko inaasahang matatangay ako ng librong ito. Hindi lang siya basta drama, isa siyang paglanghap ng nakaraan, at pagbuga ng mga alaala na matagal mo nang tinatabunan.
At marahil, doon ko rin nakita ang sarili ko.
Na minsan, kailangan mo lang magpahinga, huminga, at hayaang maramdaman ang lahat ng pait, pagod, at pag-asa.
Naalala ko tuloy sa bawat karakter ang bubog na sinasabi ni Mr. Ricky Lee, ‘yung mga sugat na nasa loob natin na kailanman ay ‘di na naghilom, na kahit lumipas man ang panahon ay ipaparamdam uli nito ang sakit.
At dito, ang mga bubog ng bawat karakter ang siyang tumulong upang maghilom ang mga sugat ng iba. Sa bawat luha, bawat pilit na lumimot, at bawat paghinga, naroon ang mensahe ng istorya na may mga sakit na kailangang maramdaman upang tunay na gumaling.
At sa dami ng librong dumaan sa akin ngayong taon, masasabi kong isa ito sa mga paborito kong nabasa ngayong 2025 — isang paalala sa akin na sa pagitan ng bawat bubog, nandoon ang unti-unting paghilom.
---