09/20/2023
𝗧𝗥𝗜𝗟𝗟𝗔𝗡𝗘𝗦, 𝗡𝗔𝗚𝗧𝗨𝗥𝗢 𝗡𝗚 𝗣𝗢𝗟𝗜𝗖𝗬𝗠𝗔𝗞𝗜𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗖𝗢𝗡𝗖𝗘𝗣𝗖𝗜𝗢𝗡 𝗟𝗚𝗨
Limampung kawani ng Lokal na Pamahalaan ng Concepcion ang lumahok sa isinagawang policymaking seminar ni dating Senador Antonio "Sonny" Trillanes IV kamakailan.
Ang seminar ay idinisenyo upang pagbutihin ang mga kasanayan sa public policymaking sa pamahalaan.
Dinaluhan nina Mayor Noel Villanueva at Vice Mayor Carla Bautista ang seminar na ibinigay na libre ni Trillanes at ng Institute for Policy, Strategy and Developmental Studies, Inc.
Kasama sa seminar ang karamihan ng mga department heads ng LGU na pinangunahan nina Adminstrator Bienvenido Estrada, Treasurer Engelberto Macalino, Accountant Reggie Bondoc, HR Officer Flor Perez, Assessor Michael Bondoc, Budget Officer Geraldine Cunanan, Disaster and Risk Reduction Management Officer Ronald Bautista, at Engr. Marciano Santiago.
Sa seminar, binanggit ni Trillanes ang ilang masasamang patakaran ng gobyerno, kabilang ang pagpapatupad ng motorcycle barriers at pagsusuot ng face shield sa kasagsagan ng pandemya.
"Gumagawa ng polisiya para sila ang makinabang," sabi ni Trillanes patungkol sa face shields na napakamahal na naibenta.
"Ang masama dito ay pansariling interes ang ang nasa isip sa paggawa ng mga polisiya," ani Trillanes.
Sinabi rin niya na ang pagsusumite ng Health Declaration Forms ay isang "bad policy."
"Hindi binabasa ang mga ito at diretso lang sa basurahan," paglalahad ng dating senador.
Sinabi rin ng dating mambabatas na ang mga lingkod-bayan ay dapat na magbalangkas ng mabubuting patakaran at iwasan ang paggawa ng masasamang polisiya na maaaring makaapekto sa mga mamamayan.
“Ang kaligayahan ng lipunan ang layunin ng pamahalaan,” sabi ni Trillanes.
Pinaalalahanan din niya ang mga lingkod-bayan ng bayang ito na ang pangunahing tungkulin ng pamahalaan ay paglingkuran at protektahan ang mga mamamayan na nakasaad sa Konstitusyon ng Pilipinas.
Si Trillanes ay naging Propesor ng Praxis sa Ateneo School of Government, na nagsisilbing resource person para sa programa na nakatuon sa iba't-ibang isyu sa Pilipinas at ang kaugnayan ng pag-aaral ng public policies.
Ang dating senador ay cm laude graduate ng Philippine Military Academy na may Naval Systems Engineering degree, kalaunan, siya ay naglaroon ng master's degree sa Public Administration mula sa University of the Philippines Diliman. (ronald dizon/jess tadeo)